PAGTITIMPI NG PILIPINAS… HANGGANG SAAN?

Patong-patong na ang mga reaksiyon na may kahalong inis, galit, at timpi dahil sa isyu ng agawan
ng teritoryo sa West Phil. Sea (WPS). Singliwanag ng buwan at araw na pag-aari natin pero inaagaw pa ng China. Kanila raw ito. Sigaw ng Pilipinas…AMIN YAN!!! Kamakailan, binomba na
naman ng tubig (water canon) ang barko natin na maghahatid sana ng pagkain at gamit sa mga
sundalo nating nagbabantay sa BRP Siera Madre. Dahil dito, kalahati lang ang naidiskarga.

Plano naman ng AFP na magresupply ulit. Hindi kaya sila haharangin ulit? Kaya ang malaking katanungan: hanggang saan ang ating pagtitimpi? Hanggang saan ang ating pasensiya? Hanggang
timpi at pasensiya na lang ba tayo? Ilang beses na tayong hinaharass o binubully ….pero wala naman yatang nangyayari? Alam nating sandamakmak na ang angal at reklamo natin laban sa China sa ginagawa nilang ito. May resulta ba? Pinakinggan ba tayo? O baka naman tinatawanan lang tayo.

Bago nangyari ang pinakahuling insidente (water canon) …nagpunta at nakausap pala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pangulo ng China (XI). Di man detalyado ang pinag-usapan….tiyak na nasagi nila ang hinggil sa isyu sa West Phil. Sea. Nagulat din ang dating pangulo kay Pres. Bongbong Jr. nang dumating. Wala ring detalyadong isyu sa kanilang mga pinag-usapan. Kaya ang
taumbayan ay kumpiyansadong maganda ang pinag-usapan nina Jinping, Digong at Bongbong.

Pero di pa umiinit ang kanilang mga pagkikita’t pag-uusap, heto na ang kasunod na nangyari –
hinarang ulit ng Chinese Coast Guard ang Philippines Coast Guard at mga sasakyang magdadala sana ng ayuda sa BRP Siera Madre. Ano ba ito, pards? Magaling silang kausap sa harapan…pero sa likud pala tayo ay inuupakan? At ang masakit, pinagdidiinan pa ng Tsina na kaya nila itinaboy daw
ang ating tropa kasi pumasok na raw tayo sa kanilang teritoryo. Susmaryusep! Sila na nga ang illegal na nakikialam…sila pa ang may ganang mambuska?

Dapat daw, ayon sa mga analyst…iboykot daw natin ang lahat ng mga gawang Tsina at itigil na ang kalakaran sa kanila. Huwag na daw nating tangkilikin ang kanilang mga produkto. Pero maraming kilay ang bumagsak. Kasi nga naman, napakarami nilang mga produkto na ginagamit natin. Napakarami nilang mga negosyo dito sa ating bansa. Kung ititigil natin ang pagtangkilik sa kanilang negosyo, siyento porsiyento na marami tayong kababayan ang mawawalan daw ng trabaho. Kasi nga….ang karamihan sa kanilang mga empleado ay Pilipino.

Kaya sabi ng marami…ituon na lang ang usapan sa kung papano matitigil ang panghaharass o pambubully nila sa atin sa West Phil. Sea. Dapat may usapang matino. Hindi yong ayos daw ang relasyon ng Pilipinas at China pero tayo naman ang inaalipusta. Kumo ba maliit lang tayong isla kumpara sa kanila? Sabat naman ng mga praktikal: ang maliit ang nakakapuwing. Ang siste, papano mo sila mapupuwing, eh…sobrang laki naman ang kanilang mga mata? Sa gitna ng tensiyon na ito….ayaw nating pagmulan ito ng mas malala pang tensiyon.

Kaya nga’t kung malapit ng mapigtas ang ating sinturon…bili uli tayo ng pamalit. Di dapat mapigtas ang ating pagtitimpi at pagbibinat ng pasensiya. Hindi natin kayang sumuwag sa panahong ito. Kahit pa may mga nasyong nakatanghod at handa diumanong tumulong sa atin anu’t ano man ang mangyari. Kasi nga naman…di natin tiyak kung ano ang kanilang maitutulong kung
sakali. Aanhin mo ang ayuda kung tayo ay nasa ilalim na ng hukay.

Mas tama siguro ang ginagawa ng ating pamahalaan na ihayag sa mundo lahat ng ginagawa ng China laban sa atin sa isyu ng West Phil. Sea at hayaan natin na buong mundo ang huhusga baka sakaling sa konsensiya sila makukuha. Magkaisa tayo sa mapayapang solusyon at malayo sa prontalang trahedya. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon