Paigtingin ang araw-araw na tests sa COVID-19 – Magalong

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa gitna ng mga bagong kaso ng coronavirus 2019 (COVID-19) sa lungsod ay hiniling ni Mayor Benjamin Magalong noong Hunyo 9 sa local health officials na itaas ang bilang mga test na isinasagawa bawat araw.
Gamit ang analogy of bullets and bombs, ipinaliwanag niya na, “First we test individuals whom we believe are most vulnerable of being infected so we train our sites on them.”
“Once we identify areas where infection is most prevalent, then we bombard it with tests so we could determine the extent of the infection more accurately, including asymptomatic carriers,” dagdag niya.
Sinabi ng Mayor na upang magtagumpay ang istratehiya ay kinakailangang itaas ang rapid diagnostic tests (RDT) mula 200 sa maximum na 400 tests araw-araw.
Dagdag niya na ang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests sa kabilang banda ay kailangan ding itaas hanggang 200 tests araw-araw.
Sa panimula, puntirya ng itataas na testing ang mga opisyal ng barabgay na kalimitang unang tinatakbuhan ng mga residente ukol sa ibaibang hinaing at problema.
Sa panahon ng implementasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa mas maluwag na quarantine measures na ipinapatupad ng pambansang gobyerno, naatasan ang mga opisyal ng barangay na mag-isyu ng market pass sa isa-kadasambahayan.
Nakasaad din sa listahan ng prayoridad sa testing ang mga empleyado ng lungsod at
volunteers kabilang ang mga health workers at barangay nutrition action officers, na nalantad sa panganib ng pagkahawa mapabilis lamang ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pangangailangan sa mga mamamayan at naipit na mga tao.
Sinabi ng Mayor na may nasa 3,000 nakahandang rapid test kits at halos 20,000 RT-PCR test kits na maaaring magamit sa puntirya at pinalawak na tests.
Samantala ay inatasan din ni Mayor ang City Health Services Office (CHSO) na makipag-ugnayan sa mga regional line agencies ng gobyerno upang matukoy ang mga opisyal at empleyado na kailangang masuri upang magamit ng husto ang test kits.
Inihayag niya na nasa 40,000 RT-PCR test kits ang inaasahang darating sa kagandahang loob ng national task force on COVID-19 upang paigtingin ang testing capacity ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).
Ang BGHMC ay isang sub-national testing laboratory para sa Northern Luzon.
Sa kaniyang bahagi ay inihayag ni City health Officer Dr. Rowena Galpo na 50 rapid tests ang isinasagawa ng mga nakatalagang personnel araw-araw.
Sa kabilang banda ay nagamit na ng BGHMC ang nasa 200 RT-PCR test kits araw-araw.
Sinabi niya na makikipagtulungan ang kaniyang opisina sa mga barangay para sa pagtukoy ng mga tao na prayoridad sa testing.
Para sa mga empleyado at opisyal ng lungsod, ang rapid testing ay itatakda rin.
Ang mga natukoy sa rapid testing ay kailangang sasailalim sa RT-PCR testing, dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Galpo na nananatili ang RT-PCR test bilang gold standard para sa COVID-19.
Hindi kailangang rapid testing lamang, dagdag niya. Mayroon ng 36 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Baguio. Mula dito, 30 ang nakarecover; 5 ang aktibo; at isa ang namatay.
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon