PAMBATO NG LINGAYEN, ITINANGHAL NA “LIMGAS NA PANGASINAN WORLD 2025”

LINGAYEN, Pangasinan

Sa gitna ng makukulay na ilaw, palakpakan, at kasiyahan, isang dalagang tubong Lingayen ang muling nagbigay ng karangalan sa
kanilang bayan matapos siyang tanghaling Limgas na Pangasinan World 2025. Si Felicity Mamplata, kasalukuyang Limgas na Baley ed Lingayen at isang third-year electrical engineering student sa University of Luzon, Dagupan City, ang nagwagi laban sa 20 iba pang kandidata lungsod ng lalawigan ng Pangasinan. Ginanap ang engrandeng koronasyon noong Abril 25 sa Narciso Ramos Sports and Civic
Center, kung saan nagtipon-tipon ang mga taga-Pangasinan upang saksihan ang selebrasyon ng kagandahan, talino, at kultura ng kanilang lalawigan.

Hindi lamang korona ang naiuwi ni Felicity, kundi pati na rin ang mga parangal na Miss Friendship at Best in Swimsuit – patunay ng kanyang likas na ganda at mahusay sa pakikisama. Bilang bagong Limgas na Pangasinan World, siya ang magiging kinatawan ng lalawigan sa prestihiyosong Miss World Philippines pageant. Sa kanyang panalo, buong pusong inialay ni Felicity ang tagumpay sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang amang isang drayber ng traysikel na siyang nagsilbing inspirasyon at lakas ng kanyang mga pangarap. Kasama ni Felicity sa entablado ang iba pang nagningning na kandidata: si Angelica Joy Flores ng Santa Barbara bilang Limgas na Pangasinan Grand, at si Claire Arwen Cacal ng Calasiao bilang Limgas na Pangasinan Mutya.

Hindi rin nagpahuli ang mga runner-up: si Alannis Sophia Melarnie Hodge ng Sual, bilang 1st runner-up; at si Liannah Jermayne Mangosong ng Asingan, bilang 2nd runner-up. Ang Limgas na Pangasinan ay isa sa mga tampok ng Pistay Dayat, ang kilalang Festival of the Sea ng lalawigan. Sa mensahe ni Governor Ramon Guico III, binigyang- diin niya ang kahalagahan ng pageant bilang plataporma upang maipamalas ang kagandahan, katalinuhan, at kakayahan ng mga Pangasinense. “Ang Limgas na Pangasinan ay hindi lang para sa lokal na entablado-layunin nito na maipadala ang ating mga kababaihan sa mga pandaigdigang patimpalak,” aniya.

Dagdag pa ng kanyang maybahay at Limgas chairperson na si Maan Guico, “Hindi lang ito tungkol sa kinang at karangyaan-ito ay
selebrasyon ng ganda at galing ng bawat Pangasinense. Ang 21 reyna ay sumisimbolo ng 21 pangarap-at ng ating kinabukasan.” Bukod sa mga pangunahing titulo, nagbigay din ng parangal sa mga natatanging kandidata: Rosemarie Erang ng Urdaneta City bilang Darling of the Press, Freda Rosario ng Labrador bilang Miss Talent, at Leinahtan Sarmiento ng San Carlos City bilang Best in Evening Gown.

Hindi rin nakaligtaan ang mga designer na nagpakitang-gilas sa creative costume at evening gown. Ang tagumpay ni Felicity at ng iba pang kandidata ay patunay na ang Pangasinan ay patuloy na lumilikha ng mga kababaihang hindi lamang maganda, kundi matalino, may malasakit, at handang maglingkod sa bayan. Sa bawat ngiti at sagot ng mga reyna, dama ang pagmamahal sa sariling kultura at ang pag-asa para sa mas maliwanag na kinabukasan ng lalawigan.

Adrian Brix Lazaro/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon