“PANAHON NA NG PAGBANGON, BENECO”

Mula sa pagkalugmok sa kontrobersiyang nilahukan ng mga personalidad at grupong may kanya-kanyang adhikain  kung sa ilan ay kaligtasan at kaayusan ng kooperatiba, ngunit yung iba’y personal na kagalingan, panahon na upang bumangon muli ang Benguet Electric Cooperative (BENECO). Nais ng karamihan na maiwaksi lahat ang mga anay na umu-uk-ok sa pundasyon ng
kooperatiba upang maalpasan nito ang mga suliranin at gumana na ang Beneco upang tunay na magsilbi sa mga miyembro’t, hindi ng iilan.

Ito ang pangarap ni Acting General Manager Artemio Bacoco nang ito’y italaga ng National Electrification Administration (NEA) noong Hunyo 1, 2023 upang pangunahan ang pagsasaayos ng kooperatiba sa giya ng naitalagang Interim Board upang ayusin ang gusot sa loob ng kooperatiba noong Disyembre 2022. Nagdaan sa masalimuot na halos dalawang taong bangayan, alispustahan,
batuhan ng baho at kung ano pa ang kooperatibang napailang beses tiningalang Class A na electric cooperative sa buong bansa.

Ang nakaraan ng kooperatiba, gaano man ito karimarim, ay kapupulutan ng mga mahahalagang aral, ani pa ni Engr. Bacoco. Ninanais na isantabi na ang mga mapanirang tunggalian sa
kooperatiba, habang panagutin naman ang mga sangkot at nasa likod ng mga iligal na gawaing
taliwas sa kapankanan ng higit na nakararami sa kooperatibang kinasasapian ng higit na 300,000
consumer-owners sa Baguio City at Benguet province.

Sapagkat kung itutuloy ng iilan ang mapanira, mapanlinlang at makasariling mga adhikain upang
ipagduldulan ang pansariling kagustuhan na tunguhin ng kooperatiba, ayon kay Engr. Bacoco, ilalagay ang Beneco sa bingit ng kapahamakan gaya ng pribatisasyon na ikakapahamak ng consumermembers, mas mataas na singil sa kuryente at iba pang mga suliranin. Nararapat lamang na buong-pusong suportahan ang mga inisyatiba’t pagkukumahog ng naitalagang kasapi ng Interim Board tungo sa maayos at mapanilbing Beneco, habang dilat naman ang mga matang magmatyag at handang tumindig kung kinakailangan, upang hindi na maulit ang mga pagkakamali ng nakaraan. Bangon BENECO!

Amianan Balita Ngayon