PANGAKONG PANGHALINA

Lahat ng ating makapanayam ukol sa mga pinaghandaang susunod na tatlong taon ay pawang magagaling, lalo na ang mga baguhang mga Konsehal. Bukod tanging napanganga ako ng aking makausap si Konsi Paolo Salvosa, anak ng kay tagal ko ng kaibigan na si Ray Dean. Nakakamangha si Paolo. Sa kanyang edad, mukha siyang bagong gradweyt. Ngunit nang kanyang ipahayag ang mga napag-isipang mga isyu para sa mga darating na panahon bilang Konsehal, nganga tayo. Hindi mo aakalain na buong kaisipan, kapusuan, at pati na ang kaluluwa ay buong-buong nakalaan para sa mga gagawin.

Isang bagay ang aking napagmanghaan: ang kanyang kusang loob na pakikisalamuha sa mga iba’t ibang sektor ng lipunan – ang mga kabataan, ang mga nagkakaedad ng mga Gen-X, at maging mga katandaan. Sa bawat sektor, iisa ang kaisipang kanyang pagaganapin: ang maisulong at maitaguyod ang higit na makabubuti sa higit na nakararami. Sa kanyang pagkakaunawa, ang patuloy na pagtaguyod ng malawakang interes ng lungsod, ang pakikipag-ugnayan sa taongbayan ay patunay ng kanyang marubdob na pagnanasa na masilbihan ang interes ng bayan, hindi ng mga sektor lamang. Mahal ni Konsi Paolo ang kanyang lungsod, tulad ng aking paniniwala na mahal nating lahat ang Baguio.

Ngunit kung ang pagmamahal na iyan ay ating isusulong na ang batayan ay ang mga interes na pag-sektor, hindi natin maaabot ang pangarap na magampanan ang tungkulin higit pang paunlarin ang lungsod na pinagkakautangan natin ng buhay. Muli at muli, bibigyan natin ng parangal ang mga bagong halal – maging ang mga datihang opisyal na naluklok sa nagdaang halalan. Sa mga baguhan, may bagong pangako ng bagong pag-asa na dala ng mabunying araw ng paninimula. Higit na malalim ang pinaghuhugutan, dahil ngayon lamang masusubukan ang ‘ika nga ay mga bagong salta, bagong dayo. Harinawa, ang pagtanggap sa kanila ay maging masigabo at puno ng kasiyahan.

Hindi maitatatwa na labis ang damdaming bumabalot sa kanilang panunumpa sa katungkulang kanilang gagampanan sa susunod na tatlong taon. Oo nga, maikli lang ang panahon ng pagpapatupad ng kanilang mga sinumpaang pananalita. Sa mga mapagmasid, ang tatlong taon para sa mga baguhang manunungkulan ay parang isang iglap lamang. Nagsisimula ka pa lamang ay kumakaway na ang panghuling taon. Ang iba diyan, ayon na rin sa nasaksihan nating mga nakaraan, ay tiwala pa ring matutupad ang mga pangako noong eleksyon. Mayroon ding mga buo ang paniniwalang walang balakid na maaaring humarang sa kanilang determinasyon at debosyon na bigyang karangalan ang kanilang naiatas na tungkulin.

Sa mga mapagmasid na rin, silang mga nasa ikatlong termino na ng panunungkulan ay buong-buo ang kalooban na sa panghuling tatlong taon ay kanilang matutupad ang mga nasumpaang gagawin ng buong-buo at walang anumang bahid ng dumi sa kanilang katauhan. Ito na nga naman ang huling baraha na kanilang ididiskarte para sa dulo ng kanilang susumpaing  ananagutan. Ito na ang magiging saksi kung ang tungkuling naiatang sa kanilang balikat ay magkakaroon ng ganap na katuparan. Ano nga ba ang halina ng isang panunungkulang publiko? Ang uri ng gayuma ang sinusundan ng kilokilometrong pila ng mga tagapagpatupad ng serbisyo ng gobyerno?

Marahil ay hindi natin maarok ang saloobin ng mga manunungkulan, kahit na ilang oras ang ating gugugulin upang malaman ang kahit paano ay direksyon ng kanilang pamamahala. Ang serbisyong gobyerno ay bukod-tanging nag-iisang uri ng pagsisilbi sa bayan. Munting kibot, gahibla man ang nakikita, ay lumalaki sa paningin ng mga mapanuri. Ang mga nasumpaang gagawin sa loob ng isandaang araw ay nakamarka sa kalendaryong hindi kinukupasan ng panahon. Ang mga pangakong binitiwan ay hindi masusukat kung saan nakahimlay, kundi sa batayan ng mga nagaganap habang nasa mga unang buwan ng paglilingkod.

Ganito ang mga kadalasang kaganapan sa buhay ng isang lider na nagsisilbi. Susukatin siya, ang bawat galaw at emosyon na bumabalot sa mga ginagawa. Kapag nagkaroon ng bahid dungis, tulad ng lumalalang usapin ng korupsyon, nagiging Mission Impossible ang mga susunod na panahong sakop ng kanyang pagsisilbi. Karakter. Kakayahan. Karanasan. Kung nasa inyong lider ang mga katangiang ito, magkakaroon ng malinaw na kaganapan ang nasumpaang pagpapatupad. Sa mga pagkakataong ganiyan, ating buksan ang ating mga damdamin sa pagnanasang makatulong at maging bahagi ng isang umaalab na kasaysayan.

By: Noly Balatero

Amianan Balita Ngayon