PANGAMBA… LALONG SUMISIPA!

Dahil sa mga sala-salabat na mga pangyayari sa mundo sa ngayon, tumitindi na ang mga tensiyon o pangamba sa isyu ng seguridad. At kapag seguridad ang usapan, buhay ng
sangkatauhan ang nakataya. Sa maling pasya…magiging mitsa ito ng kalunos-lunos na mukha ng mundo pag nagkataon. Harinawa huwag sanang magaganap. Ito ang ating papaksain upang malinawan ang mga isyu: Halos araw-araw, sa ating lipunan, hindi nawawala ang katagang Duterte. Nasa the Hague, Netherlands na nga ang dating Pangulong Digong ngunit siya pa rin ang laging usapan sa mga umpukan. Ang pinakahuli ay ang diumano’y kagustuhan ng kanyang maybahay na si Honeylet at anak na ibenta na ang kanilang bahay sa Davao City. Tutol naman dito si VP Sara Duterte. Mahalaga raw ang kasaysayan ng bahay na ito para sa kanilang ama kung kaya di dapat mawala.

May panibagong pahapyaw nga si Digong na nagpamangha sa marami. Ito ang kanyang panawagan sa 13 (labing-tatlo niyang mga asawa. WOW) na maghanap na daw sila ng bagong nobyo. Ibig sabihin ay binibigyang-laya na ni Digong ang mga ito upang humanap ng bagong asawa. Kung tayo ang tatanungin aba’y nakakagulat ang ganitong pakiusap, di ba? Pero sa kanilang mga Muslim, eto ay normal as long as kaya mo silang buhayin. Soisang saradong aklat na ito na di na dapat pang busisihin. Sa mga taong mahilig magbutinting sa buhay ng mga Duterte at ginagawang puhunan para lang may mailathala, “Tama na, Sobra Na”! Balik-isyu ang sibuyas, que pula o puti. Kasi nga may malaking bulto ng kargamentong galing sa China ang nasabat sa kustom kamakailan. Deklaradong mga ibang kagamitan pero nadiskubre ng mga tauhan ng Kustom na mga sibuyas pala. Matagal ng may ganitong mga kalakaran sa Kustom. Marami na ang yumaman dahil dito.

Kung saan-saang port o daungan nangyayari ito at marami ng mga tauhan ng Kustom ang nakastigo at tinanggal na sa puwesto. Ang masakit ay kung sinibak lang at inilipat sa puwesto, pero naroroon pa rin. Kaya tuloy pa rin ang illegal na gawain, di ba? Ang nakakainis: magtatalaga ka ng diumano ay malinis na tao, mapagkakatiwalaan at premyado ang kanyang
serbisyo, matino ang trabaho. Wala kang maipipintas sa serbisyo. Parang hindi ka nagkamali sa pagtatalaga sa kanya. Ngunit sa pagdaan ng panahon, unti-unting nababahiran ng mantsa ang serbisyo dahil sa kinang ng salapi mula sa mga illegal na gawain dito. Ang pautay-utay na gawi ay naging dambuhala na lalo pa’t pumasok na ang sindikato. Nabura na ang linis at sinakmal na sila ng dungis sa serbisyo. Nabubulsa na ang dapat sanang subi sa kaha ng gobyerno. Ang para sa bayan ay nauuwi na para sa sariling bulsa. At hindi lang sibuyas
kundi marami pang ang ginamit ng mga sindikato para yumaman. Yan ngayon ang malaking hamon sa ating pamahalaan. Kailan mawawalis ang kotongan sa Kustom?

Hindi lang sa Kustom nangyayari ang isyu ng “latag”o “lagayan”. Lantaran na ang kotongan. Hindi lang sa mga pulis naihahanay ang salitang “kotong”. Maraming butiki riyan na naging bayawak hanggang naging buwaya sa pagkokotong. Bato-bato sa langit. Hindi nasusupil dahil sa takipan . Nagbubulagbulagan at nagbibingi-bingihan ang ilan sa ating mga pinagkakatiwalaang kawani. Magugulat ka na lamang kung bakit biglang yumaman si ganito samantalang parehas mo lang na empleado ng gobyerno. Sana sa nalalabing ilang taon na lang ni Pangulong Bongbong Marcos ay mahinto na ang mga di kanais-nais na mga nagaganap sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan. Hindi po sa nilalahat. Ang nakakaawa kasi ay yong mga kawani na malinis ang serbisyo sa bayan. Nadadawit sila at nahahatak sa kumunoy ng salot na kotongan. Sila ang dapat saluduhan at bigyan ng lakas ng paninindigan na
sana’y hindi sila matulad sa ibang naging “buwaya ng lipunan”. Sana makawala na tayo sa hawla ng “pangamba”. Adios mi amor, ciao, mabalos.

By: Jimmy Luzano

Amianan Balita Ngayon