Peace caravan ng OPAPP sinimulan sa Baguio

Sinimulan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa lungsod ang “Peace Buzz” caravan noong Setyembre 21 bilang pagdiriwang sa National Peace Consciousness Month.
Ang naturang peace caravan ay maglalakbay mula Luzon at magtatapos sa Mindanao.
Layunin nito na dalhin sa pinakamaliit na bahagi ng komunidad ang kamalayan, pang-unawa at pagpapatuloy ng suporta upang makabuo ng kultura ng kapayapaan.
Ang National Peace Consciousness Month ay idinaraos kada Setyembre sa bisa ng Proclamation 675 na inilabas noong Hulyo 2004.
Ayon kay Mayor Mauricio Domogan, pinuno ng Cordillera Regional Development Council (RDC) at Peace and Order Council (RPOC), ang “Peace Buzz” ng OPAPP ay isang “road trip” papunta sa kapayapaan na magbabahagi ng inisyatibo ng gobyerno sa mamamayan.
“A peace caravan will journey from northern Philippines, in Baguio to the south in Marawi,” aniya. Ito ay magkakaroon ng stopover sa Quezon City, Legazpi City, Catbalogan City, Butuan City, Davao City, Iligan City at magtatapos sa Marawi para sa closing ceremony ng National Peace Consciousness Month.
Sa send-off program noong September 21 ay nagsagawa ng nakagawiang pagdadasal ang Cordillera elders na susundan ng isang interfaith prayer para sa kapayapaan.
“This prayer for peace will be sent to the people of Marawi through the Peace Buzz to be handed to the community leaders of Marawi in hope that this offering will convey the Cordillera people’s solidarity with them in their time of crisis,” ani Domogan.
Ang mga mensahe ng kapayapaan na may temang “Puso para sa kapayapaan, magkaisa para sa bayan” ay ibibigay ng RDC, RPOC, isang Cordillera elder na sumusuporta sa kapayapaan, at isang Muslim community leader.
Ang National Peace Consciousness Month ay ipinagdiriwang upang itanim ang malawakang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa peace process upang patibayin at suportahan ang kapayapaan na nakabase sa kawalan ng karahasan, respeto sa pangunahing karapatan at kalayaan, pagpaparaya, pang-unawa at pagkakaisa.
“It reflects the positive change we want our country to achieve and to remind us to put a little more understanding and respect to one another despite the differences in culture, which can be the strength of our country,” saad ni Mayor Domogan. LIZA AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon