PHILHEALTH MAY BENEPISYONG HATID SA KABABAIHAN

Bilang bahagi ng National Women’s Month, mas pinalawak ng PhilHealth ang mga benepisyo para sa kababaihan. Mas mataas na ngayon
ang matatanggap na tulong para sa panganganak, paggamot sa cancer, at iba pang sakit na madalas makaapekto sa mga babae. Isa sa pangunahing benepisyo ay ang Maternity Care Package, na sumasaklaw sa prenatal care, panganganak, at post-partum care. Nasa P12,675 hanggang P15,600 na ngayon ang halaga ng tulong depende sa ospital, infirmary, o lying-in clinic. Kasama rito ang Normal Spontaneous Delivery Package na may benepisyong P9,750 hanggang P12,675. Para sa mga sumasailalim sa Cesarean Section, nasa P37,050 ang
maaaring matanggap.

Mas pinalakas din ang tulong para sa breast cancer treatment. Ang dating P100,000 na Z Benefit Package ay umabot na ngayon sa ?1.4
milyon. Dati, mga nasa maagang yugto lamang ng cancer ang sakop. Ngayon, kasama na rin ang mga nasa advanced stage. Para naman sa mga may cervical cancer, may nakalaang P120,000 para sa chemoradiation gamit ang cobalt o low-dose brachytherapy. Kung linear accelerator at high-dose brachytherapy ang gagamitin, ang tulong ay umaabot sa P175,000. Bukod sa cancer treatment, mas mataas na rin ang benepisyo para sa ilang operasyon. Ang Ovarian Cystectomy ay mula P23,000 naging P45,435. Ang Vaginal Hysterectomy ay mula P30,300 naging P59,085. Ang Dilation & Curettage (raspa) ay mula ?11,000 naging P21,450, habang ang Mastectomy ay mula P22,000
naging P42,900. Ayon kay Ms. Magnolia Del Rosario, pinuno ng Public Affairs Unit ng PhilHealth Cordillera, direktang ibinabayad
ang mga halagang ito sa ospital habang ginagamot ang pasyente.

Jobinthod Ampal/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon