PHP20 KADA KILONG BIGAS: IKINASIYA NG MARAMI, IKINALUNGKOT NG ILAN

Ang pangarap na ibaba ang presyo ng bigas sa PhP20 kada kilo ay isang pangakong tila natutupad na, ayon sa administrasyong Marcos matapos ianunsiyo ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) na uumpisahan ng mabenta ng PhP20 kada kilo sa Visayas bilang pilot rollout sa Mayo 1. Ang nasabing unang paglunsad ng pagbenta ng PhP20 kada kilo ay resulta ng closed-door meeting ni PBBM kasama ang 12
governor ng rehiyon ng Visayas. Sa ilalim ng programa, ang mahihirap na mga Pilipino ay karapat-dapat ng makabili ng PhP20 kada kilo ng bigas kung saan ang bawat pamilya ay pinapayagang makabili ng 10-kilo bawat lingo o isang kabuuang 40 kilo bawat buwan. Ayon sa DA, iniugnay sa pababang kalakaran ng mga presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado ang katuparan na pababain sa PhP20/kg.

Hanggang ngayon, ang NFA ay mayroong nasa 358,000 metriko tonelada (MT) ng imbak na bigas na tatagal hanggang siyam na araw, higit sa kalahati sa target na pambansang buffer stock ng bigas na 15 araw. Ibebenta rin sa buong bansa ang PhP20 kada kilo na bigas sa oras na matugunan at maayos ang mga hamon sa logistics ayon sa DA. Hindi naman nakakagulat na muling sinalubong ng pang-uuyam at negatibong reaksiyon ng mga kalaban at kritiko ng administrasyon ang nasabing magandang balita dahil kailangan nilang patuloy na siraan ang kasalukuyang gobyerno. Ipinahiwatig ni VP Sara Duterte na muling “binubudol” ni Marcos ang taong-bayan dahil sa presyong PhP20 kada kilo ay baka pagkain lamang sa hayop ang ibibigay.

Ginawa lamang daw ang pagpapapaba ng presyo ng bigas dahil nais pabanguhin ang pangalan ni PBBM matapos ang pagbagsak ng trust rating nito at ang tila nauungusan na niyang mga kandidato sa mga survey – isa lamang politikal na galaw at isang artipisyal na solusyon.
Samantala siniguro naman ng DA at NFA na ang ibebenta ay kagaya rin ng inibentang PP33/kilo at ginagarantiyan ang magandang uri ng bigas. Kaya unang napili ang rehiyon ng Visayas para sa unang pagbebenta ng PhP20/kilo ay dahil ang mga warehouse ng NFA sa rehiyon ay mayroong sobrang mga stock at handang makipagtulungan at makiisa sa plano. Sa una, planong hanggang katapusan lamang ng taon ang programa, subalit ginawa ito hanggang sa 2028, sa pagtatapos ng panunungkulan ni PBBM.

Sa isang banda ay magandang balita nga ito para mahihirap na mamimili subalit sa kabilang banda naman ay baka ma lalong maging pahirap sa mga magsasaka ng palay dahil sa mababa pa ring presyo ng palay. Bagama’t susubsidyahin ng gobyerno, saan na naman kukunin ang pondo para dito? Kung tatagal hanggang 2028. Habang pinapairal ang program at habang kinakaya pa ng subsidiya ay mas mabuti sigurong ipagpatuloy ng mabilis ang pagpapa-unlad sa agrikultura, buhusan ito ng malaking pansin at pondo upang sa ganoon ay maging matatag ang produksiyon ng pagkain upang tunay na matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Amianan Balita Ngayon