PILATES WORKOUT, MAGANDANG BENEPISYO SA KATAWAN

TAMANG GABAY—Ginagabayan ng Pilates instructor, ang kanyang mga estudyante sa tamang posisyon at balanse, habang sinisiguro ang tamang galaw at postura sa bawat ehersisyo.

Photo By: Jon Lloyd Yogyog/ UB Intern/ABN


BAGUIO CITY

Patok na patok ngayon sa Baguio ang Pilates workout, isang uri ng ehersisyo na hindi lang nagpapalakas ng katawan kundi nagbibigay rin ng ginhawa sa isip at emosyon. Marami na ang nahuhumaling dito, mula sa mga estudyante hanggang sa mga propesyonal, dahil sa mga
benepisyong hatid nito sa kalusugan. Ayon kay Gwynette Ann Mina, Isang certified Pilates workout instructor sa Baguio, ”Isa sa mga kundisyong madalas na natutulungan nito ay ang scoliosis, dahil hindi ito nangangailangan ng mabibigat na kagamitan. Sa halip, ito ay
mas ligtas at angkop para sa rehabilitasyon ng buong katawan. Bukod sa scoliosis, nakakatulong din ang Pilates sa mga may pananakit ng likod, arthritis, at sa mga taong may iniindang injury sa kasukasuan.”

Ang Pilates ay madalas inirerekomenda ng mga doktor, lalo na para sa mga may iniindang kondisyon o galing sa injury, dahil nakatutulong ito sa pagpapanumbalik ng lakas ng mga buto at kalamnan, na nagbibigay-diin sa koneksyon ng isipan at katawan. Ayon rin sa isang regular na estudyante ng Pilates na si Arcelli Pigao, “Simula nang mag-Pilates ako, hindi na sumasakit ang likod ko kahit
maghapon akong nakaupo sa trabaho at mas naging aware din ako sa tamang pag-upo at paggalaw.” Ang karanasan na ito ay patunay na ang Pilates ay hindi lamang pisikal na ehersisyo kundi isang lifestyle tool na nagtuturo ng mindful movement.

Dagdag pa ni Mina, “Mayroon kaming mga estudyanteng may scoliosis na unti-unting bumuti ang kanilang postura at nagkaroon ng mas maayos na galaw sa katawan, isang malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na gawain.” binahagi rin ni Sandra Nollido isang estudyante ring kakaenrol lang ng Pilates “Stress relief siya for me kasi, nagtatrabaho ako from monday to friday and yung off ko na dalawang araw dun ko nilalaan at after nung session napansin ko rin na gumagaan ang pakiramdam ko”. Sa patuloy na pagdami ng mga sumasali sa Pilates sa Baguio, malinaw na hindi lang ito uso kundi isang epektibong paraan para mapanatili ang malusog na pangangatawan at isipan.

Jon Lloyd Yogyog/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon