PINAAALALAHANAN ANG PUBLIKO NA MAGKONTROL SA PAGGASTOS

BAGUIO CITY

Pinaalalahanan ng mga eksperto ang publiko na magkontrol sa paggastos para sa mga bagay na gusto nila pero hindi naman nila kailangan. Kasunod ito ng pagtaas ng inflation rate sa Cordillera
region sa nakaraang buwan ng Agosto kung ikukumpara sa buwan ng Hulyo. Sa datos ng Philippine Statistics AuthorityCordillera (PSA-CAR), 3.9% ang inflation rate sa rehiyon noong Agosto, mas mataas kung ikukumpara sa 2.9% na inflation rate noong Hulyo.

Ayon kay Aldrin Federico Bahit ng PSA-CAR, kung maraming gusto ang isang tao, lumalaki rin ang gastos, bagay na nakaaapekto sa inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa itinakdang panahon. “I-control natin ‘yung wants at tsaka ‘yung needs kasi ‘pag gastos rin tayo ng gastos, ang tendency rin niya, patataasin niya ‘yung presyo pa rin ng mga bilihin kasi tumataas pa rin ang demand,” paliwanag ni Bahit.

“Ang tendency rin kasi ay dumadami ‘yung wants ‘pag dumadami ‘yung pera kaya lumalaki rin minsan ‘yung percentage mo dun sa total disposable income mo,” si Bahit. Ang mga pangunahing
nag-ambag sa pagtaas ng inflation noong Agosto ay ang food and non-alcoholic beverages, transport, at ang restaurant and accommodation services. Naitala ang pagtaas ng inflation rate sa Ifugao, Apayao, Benguet, Baguio City, at Kalinga habang bumaba naman sa Mountain Province at Abra.

“For example, kung ang inflation rate po ng isang region ay mas mataas, mas kaunting bigas po ‘yung mabibili niya. Dito, mas mababa nang kaunti ‘yung ating inflation rate compared sa Manila, ibig sabihin po, mas madaling iprovide ng ating mga nanay ‘yung basic needs ng ating mga estudyante,” paliwanag naman ni Professor Mary Jane OlaesNajarila ng Saint Louis University.
Samantala, ang purchasing power ng peso sa Cordillera noong Agosto 2023 ay 83 centavos o ibig sabihin, ito ang katumbas ng halaga ng peso sa nakaraang buwan.

(DEG-PIA CAR)

Amianan Balita Ngayon