Inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang paglikha ng 178 bagong Public Attorney positions (PA) upang tugunan ang kakulangan ng mga ito sa mga korte sa buong bansa. Partikular na nilikha ang mga posisyon na 56 PA II at 122 PA I sa Public Attorney’s Office (PAO) sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), na mangangailangan ng P336 milyon taun-taon.
“These additional Public Attorney positions will enhance the efficiency and effectiveness of the PAO in delivering legal services to the public, ensuring that every Filipino, regardless of their economic status, has access to justice and representation they deserve,” pahayag ni Secretary Mina. “We are not only improving our legal system but also touching the lives of countless individuals who rely on these services for hope and fairness,” dagdag ni Sec. Mina.
Ang inisyatibang ito na layong palakasin ang manpower ng PAO ay naaayon sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas,” na tinitiyak na walang Pilipino ang maiiwan. Nag-aatas ang Section 3 ng Republic Act No. 9406 na magbigay ng libreng legal na representasyon, tulong, at payo sa mga kababayan natin higit na nangangailangan, sa mga kasong kriminal, sibil, paggawa, administratibo, at iba pang quasi-judicial na kaso.
Sa pangangailangan ng serbisyo, maaaring tawagan ang PAO ng proper government authorities upang magbigay ng ganitong serbisyo sa iba pang tao, alinsunod sa umiiral na mga batas, patakaran, at regulasyon. Ang pagbibigay ng mga karagdagang posisyon para sa mga abogado ay magpapahintulot sa PAO na mas mahusay na pamahalaan ang tumataas na pangangailangan para sa legal na representasyon at serbisyo sa bansa.
Batay sa datos mula sa PAO, ang ahensya ay humawak ng 787,124 kaso at tumulong sa 849,914 kliyente noong 2021. Noong 2022, ang mga bilang na ito ay tumaas sa 850,753 kaso at 900,079 kliyente. Ilalagay ang mga posisyon ng PA sa ilalim ng District Offices ng PAO sa mga rehiyon, ayon sa mungkahi ng PAO, upang magbigay ng kakayahang umangkop sa pinuno ng ahensya sa kanilang pag-deploy sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad, isinasaalang-alang ang workload at dami ng mga kasong hinahawakan ng mga kinauukulang opisina.
Kabilang sa iba pang mga tungkulin, ang mga Public Attorney ay kumakatawan sa mga indigent litigants sa iba’t ibang legal na kaso, nagsasagawa ng pananaliksik, naghahanda ng mga legal na dokumento, dumadalo sa mga paglilitis at pagdinig, at nakikilahok sa mga legal outreach activities tulad ng inquests, jail visitations, at Barangay Legal Outreach initiatives. Ang inisyatibang ito ay naglalayong tiyakin na ang PAO ay ganap na makasusunod sa itinakdang ratio ng Public Attorneys sa mga organized court salas, sa gayon ay pinapalakas ang kakayahan nitong maglingkod sa mga legal na pangangailangan ng mga mahihirap na Pilipino.