PINOY…. DI NA NATUTO??!!

Kamakailan…naging isyu ng isa nating Daplis ang “Ugaling Pinoy” na PALABAN. Kung baga sa pangalan…ito ay “First name” pa lang. Wala pang apelyido. Sa puntong ito, narito na ang ibibinyag nating “apelyido” ni Pinoy – DI NA NATUTO! Aminin man o ayaw…kalakip ng ating nakagisnang ugali o pagkatao ang mga katagang ito. At bago natin ito balibagin baka makapagbigay – aral…BATOBATO SA LANGIT…HINDI SA NILALAHAT!

Nitong nakalipas lang na Bagong Taon….prueba na naman ang katigasan ng ating ulo kung bakit marami na naman ang naputukan, naputulan, nabulag at nagkasugat-sugat. Alam na nga nating disgrasyado ang paggamit ng paputok….sige pa rin tayo. Hindi na tayo natuto. Sabi nila…masarap daw magpaputok. Ilagay sa lugal baka dumami ang papulasyon, este, madisgrasya, pards.

Sa mga negosyante naman…alam na nga nating may mg utos na nagbabawal sa pagtitinda ng
mga ipinagbabawal na paputok, sige pa rin sila dahil sa madalian at laki ng kita. Kahit pa nasunog na ang kanilang puwesto, sa susunod na taon, andiyan na naman sila. Hindi na natuto. Habang sinusulat ang ulat na ito, nasa China pa si Pangulong Bongbong Marcos Jr. Sana raw ay mapag-uusapan nila ang problema sa teritoryo at illegal na pananakop na nanagyayari sa West Phil. Sea.

Ang laki ng isyung ito na dapat masolusyonan. Kung sana noong una pa na maliit pa ang lugal na sinasakop ay kinontra na agad ng ating bansa…siguro, hindi na lumaki ang sinakop. Ngayon,
nagsisisihan na. Hindi kasi tayo natuto, pards. Ito nga ang masaklap: sabi sa banal na aralmahalin
mo ang iyong kaaway, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Idalangin natin na sana sa pamamagitan ni Pres. Bongbong ay magkakaroon ng linaw ang tensiyon sa WPS.

Maraming kaugalian si Pinoy na lumaki dahil hindi nga tayo natuto. Sa illegal na pagpasok ng mga pagkain at kagamitan mula sa ibayong dagat, di tayo natuto. Bakit natin tinatangkilik samantalang
alam nating illegal ito? Pinapatay natin ang ating sariling produkto. Bakit ang Pangulo ang nanindigang mamuno sa Departamento ng Agrikultura? Dahil riyan ang malaking problema ng illegal na importasyon, illegal na pagiimbak na nagreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa mga dispalenghadong pagawa sa ating lipunan, marami ang pumuputak. Kaya nga daw mababa ang kalidad ang mga magagandang programa dahil sa mga kawatan. Bawat pagawa may kaakibat na lagay o kumisyon. Resulta, natipid ang pondo dahil sa mga buwitre, nangangayayat ang patrabaho pero tumaba ang mga bulsa ng mga mapagsamantala. Alam nating may nangyayaring
ganito, pero bakit nagpapatuloy?

Kasi ayaw nating tanggapin na dapat tayong matuto sa mga leksiyong bunga ng mga maling gawa sa ating lipunan. Kaya nga’t sa huli kasabay ng sisihan…laging bida ang mga katagang: Pinoy Hindi
ka na natuto! Kung gusto natin ang may kalidad na pagkilos sa ating lipunan na puwede nating
ipamana….matuto tayo sa nakaraan at kasalukuyan para sa bukas na darating. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon