Hindi lamang isa, dalawa, tatlo, apat – kundi pitong disqualification cases na ang ipinila sa Commission on Elections (Comelec) laban sa nahalal na kasalukuyang Congressman ng Benguet, Eric Yap, ito ay upang pigilan siyang maupo bilang kinatawan sa Kongreso ng Distrito ng Benguet. Sa mga nasabing petisyon ay inakusahan si Yap ng diumano’y “vote-buying, paglabag sa mga regulasyon sa kampanya sa ilalim ng Fair Election Act at ang paulit-ulit na isyu ng kaniyang “citizenship”. Ang mga paglabag daw na ito ay mga kaso sa eleksiyon na may parusang diskuwalipikasyon na maupo bilang kongresista at pagkansela sa kaniyang certificate of candidacy – mga balidong dahilan sa diskuwalipikasyon kahit tapos na ang halalan. Nagsilbi si Yap bilang legislative caretaker ng Benguet noong Enero 2020 matapos sumakabilang-buhay si Congressman Nestor Fongwan Sr. Tumakbo siya noong 2022 at nanalo, sa kabila ng legal na hinamon ang kaniyang voter registration noong 2021 sa dahilan ng non-residency at citizenship.
Subalit pinaboran si Yap ng Municipal Trial Court at ng Regional Trial Court na sinabing nagkulang ang mga petitioner na magpakita ng substansiyal na ebidensiya at ang citizenship ay hindi madedesisyunan sa pamamagitan ng voter exclusion proceedings. Sa kabila ng pagkapanalo ni Yap na nakakuha ng 144,093 boto na higit doble sa kaniyang pinakamalapit na kalaban ay nananatili siyang hindi maiproklamang nagwagi dahil sa mga petisyon. Sa ilalim ng batas, ang mga miyembro ng House of Representatives ay kailangang magsimula ang kanilang termino sa tanghaling-tapat ng Hunyo 30. At kung walang maiproproklama sa oras na iyon, mananatiling bakante ang upuan. Tanging ang liderato ng Kongreso laman ang maaaring magtalaga ng isang legislative caretaker. Kahit ang Pangulo ay hindi puwedeng magtalaga, habang ang Commission on Elections (Comelec) ay maaaring tumawag ng isang “special elections” kung kinakailangan.
Naniniwala tayo sa mga karapatan ng bawat isa at rumerespeto sa mga legal na pamamaraan at kung anuman ang dahilan (maliwanag naman) ng mga nagpila ng mga petisyon upang mahadlangan at hindi maupo si Congressman Eric Yap ay nasa kanila na iyon. Karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga pinaniniwalaan at karapatan nga nilang gumawa ng legal na aksiyon na ginagarantiya ng ating Saligang Batas. Ang malaking agwat ng pagkapanalo at pagkatalo ay isang bagay na nagpapatunay sa ilalim ng demokrasyang umiiral kung sino ang ninais ng mga botante, nagpatunay na walang kinikilalang pagkatao, dayo ka man o katutubo ng lugar. Ang pagseserbisyo sa publiko ay hindi nasusukat sa hangganan ng lugar at pagkatao, dapat wala itong itinatangi dahil ito ay para sa lahat, saan mang lugar.
Ang mga ganitong gawing elektoral ay kabahagi na ng proseso at anuman ang mangyayari ay may mga susunod pa namang eleksiyon, may panahon pa ang bawat isa na patunayan sa mga mamamayan na kayo rin ay karapat-dapat na ikatawan sila habang may tatlong taon pang paghandaan ito. Mas mapapatunayan ng isang tao na karapat-dapt din siya kung marunong siyang tumanggap ng pagkatalo na siya namang tunay na sukatan ng isang pagiging mabuti at maginoo. Kung magpapatuloy ang legal na kawalang-katiyakan ay maiiwang walang kinatawan ang probinsiya at mga mamamayan nitong umaasa sa mga serbisyo, gayundin ang kapalaran ng nag-iisang kongresyunal na posisyon ng Benguet ay nasa kamay na ng Comelec. Nawa’y mapabilis ang resolusyon nito at harinawang magbago ang isip ng mga nag-petisyon para sa kinabukasan at kapakanan ng mahal nating Benguet.
May 31, 2025
June 8, 2025
May 31, 2025
May 25, 2025
May 17, 2025
May 11, 2025