SAN FERNANDO, La Union
Bilang inisyatibo ng La Union Police Provincial Office (LUPPO), ang kapulisan ay naghahanda na
para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 29. Ayon kay PCOL Lambert Suerte, LUPPO provincial director, humigit-kumulang 500 na mga pulis ang itatalaga sa lalawigan para sa paghahanda sa Balik Eskwela at kasalukuyang hinati-hati sa grupo ang mga nasabing pulis bago ipadala sa kani-kanilang areas of responsibility (AORs).
Kabilang sa pagsiguro sa kaligtasan ng mga estudyante ay ang mga foot patrol, mobile patrol, at motorcycle patrol. Katuwang ng PNP ang Department of Education (DepEd), Parents-Teachers
Association (PTA), at mga lokal na opisyal ng naturang lungsod sa paghahanda at pagsasaayos ng pasilidad ng mga paaralan at mabantayan ang seguridad ng paligid ng mga institusyong
pang-edukasyon. Ang mga aktibidad na ito ay sinimulan sa pag-uumpisa ng Brigada Eskwela na kamakailan lang isinagawa.
“Ang layunin ng ating kapulisan ngayon ay police visibility kung saan makikita ng publiko partikular na ng mga kabataan, ng mga motorista sa paaralan upang masigurong ligtas sila,” ani PCOL Suerte. Bukod dito, 61 na tauhan ng PNP ang nakatalaga sa 30 Police Assistance Desks
(PADs) sa ilang piling paaralan sa probinsya. Ang pagtatalaga ng mga police desks sa mga paaralan sa probinsya ay bahagi ng kanilang paghahanda na may layuning matutukan ang mga
alalahanin, paglilinaw, o mga katanungan ng publiko.
Samantala, binabantayan naman ngayon ng pulisya ang trapiko at iba pang krimen gaya ng pagnanakaw at drug-related crimes lalo na at nalalapit na ang pasukan kung saan dumami ang
bilang ng mga enrollees at taong bumibisita sa probinsya na galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Ang plano naman ng PNP is to manage the traffic which is a movement done yearly. Nariyan na ang kapulisan na inaayos ang traffic at bantayan ang pagbaba [sa mga pampasaherong sasakyan] at
pagpasok ng estudyante sa paaralan,” paalala ni Suerte.
Payo din niya na isabay na ng mga magulang ang mga bata kapag pumapasok at umuuwi mula sa paaralan para maiwasan ang posibleng aksidente sa labas ng paaralan lalo na ang mga malapit sa highway. Samantala, mayroon namang 23 na paaralan sa lalawigan ang nabigyan na ng tulong ng LUPPO sa pamamagitan ng paglilinis at pag-aayos sa kani-kanilang AORs sa katatapos lang na
Brigada Eskwela. Layunin ng PNP na maiwasan at kontrolin ang mga krimen, panatilihin ang
kapayapaan at kaayusan, at tiyakin ang kaligtasan ng publiko at panloob na seguridad katuwang ang aktibong suporta ng komunidad.
(SGR/PIA La Union/PMCJr.-ABN)