CALASIAO, Pangasinan – Umabot na sa 3, 163, 190 ang kabuuang populasyon ng lalawigan ng Pangasinan base sa 2020 Census on Population and Housing na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isinagawang news conference sa bayan ng Calasiao nitong Martes (Hulyo 27), sinabi ni Regional Director Sheila De Guzman ng PSA na ang Pangasinan ay 59.7 porysento ng kabuuang populasyon ng Region I.
Ito ay sinundan ng La Union na may kabuuang populasyon na 822,352 (15.5%); Ilocos Sur na may 706,009 (13.32%); at Ilocos Norte na may 609,588 (11.50%).
Ang nangungunang limang lungsod at munisipalidad na may pinakamaraming populasyon sa rehiyon ay pawang nasa Pangasinan at ang mga ito ay ang San Carlos City (205,424), Dagupan City (174,302), Urdaneta City (144,577), Malasiqui (143,094), at Bayambang (129,011).
Pang-anim naman ang San Fernando City (125,640) sa La Union; at sinundan ng Mangaldan (113,185) sa Pangasinan; Laoag City sa Ilocos Norte (111,651); at Lingayen (107,728) at Calasiao (100,471) na pawang nasa Pangasinan.
Ang nangungunang sampung pinakamaraming populasyon na mga barangay sa buong rehiyon naman ay ang Bonuan Gueset, Pantal, Bonuan Boquig , Bonuan Binloc , at Lucao sa Dagupan City, Pangasinan; Poblacion sa bayan ng Lingayen, Pangasinan; Sevilla sa San Fernando City, La Union; Poblacion sa bayan ng Bugallon, Pangasinan; Poblacion sa Alaminos City, Pangasinan; at San Vicente sa Urdaneta City, Pangasinan.
Mula noong Mayo 1,2020, ang populasyon ng Pilipinas base sa Proclamation No. 1179 na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte nuong Hulyo 6 ay umabot na sa 109,035,343.
Ang Rehiyon Uno na may kabuuang populasyon na 5,301,139 ay bumubuo ng 4.9 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas.
(RPM-PIA Pangasinan/ABN)
July 31, 2021
July 5, 2025