PRE-EMPTIVE MEASURE HUMANTONG SA ‘ZERO CASUALTY’ SA PANGASINAN – PDRRMO

DAGUPAN CITY, Pangasinan

Iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang zero casualty sa Pangasinan kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon (STY) Pepito nitong weekend. Sinabi ni Avenix Arenas, assistant department head ng Pangasinan PDRRMO, na ang mabilis na pagpapatupad ng preemptive evacuation measures ay malaki ang naitutulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na may mataas na peligro.

“Nagsagawa kami ng preemptive evacuation para sa mga residente mula sa coastal areas, silangang bahagi ng
probinsya sa ilalim ng Signal No. 4, gayundin sa mga flood-prone areas sa tabi ng Sinocalan River sa Sta. Barbara, Calasiao, Dagupan City, and other areas,” ani Arenas. “Maraming nakinig at sumunod sa preemptive evacuation noong STY Pepito.

Wala kaming natatanggap na ulat ng nasugatan, nawawala, o namatay,” dagdag niya. Kinilala ni Arenas ang zero-casualty report, sa kabila ng lakas ng STY Pepito, sa pagsisikap ng opisyal ng lokal na pamahalaan sa pagsasagawa ng preemptive evacuations bago sumama ang panahon, gayundin ang kooperasyon ng mga residente.

(TD-PIA Pangasinan/PMCr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon