PRESYO NG BILIHIN… TUMAAS DAHIL SA BAGYO

Hindi lang tubig-baha ang tumataas sa tuwing may bagyo….pati presyo ng bilihin pataas din. Sabagay, kadalasan na itong mga eksena. Basta may kalamidad, tiyak apektado ang maraming bagay. Mula tao, pa-empleo, pagkain, mga gamit, ari-arian, mula maliit hanggang sa malalaking
espasyo…grabe ang epekto kapag lumaki ang tubig. Ating pasadahan ang ilang kaganapan dahil sa nagdaang bagyong sina Egay at Falcon: Habang sinusulat ang espasyong ito, nakapagtala na ang NDRRMC ng 26 na patay sa iba’t-ibang lugal na tinamaan ng bagyong Egay.

May mga sugatan at mga nawawala pa. Nasa P6.9B naman ang kabuoang taya ng pinsala sa
infrastructures at halos P2B naman sa agrikultura. Nasa 151 namang lugal ang nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa tinamong pinsala. Maraming destinasyon ang hindi mapasok dahil sa baha at mga sirang daan lalo na sa Cordillera. Ang tubig-baha sa Tarlac, Bulacan at ilang lugal sa
Pangasinan ay di pa rin humuhupa. At dahil ditto, nahatak pataas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas, gulay, at isda.

Sa monitoring, tumaas ng halos triple ang presyo ng gulay dahil hindi lang sa kakaunti ang produkto kundi sa hirap ng biyahe. Sabi nga nila…parang ginto na presyo ng gulay ngayon. Ang
siste, kung sa isda ka babaling, mataas din ang presyo na halos dumoble. Iisa ang rason: hindi raw makapamalaot ang mga mangingisda dahil sa sama ng panahon. Sana naman ay di magsasamantala ang mga negosyante. Ang mahirap kasi, ika nila…kung ano ang dikta ng mga nagbebenta, yan na ang masusunod.

Wala tayong magagawa kundi sumunod dahil kung hindi, tayo rin ang magugutom. Total, sabi ng mga mamimili…babalik din tayo sa normal pag wala ang sungit ng panahon. Pati nga roof-top gardening, apektado ng bagyo. Sa halip na may kaunting ayuda ang kanilang mga tanim…nilapnos na ni Egay at falcon. Tiis na lang, pards…makakaraos din tayo. Nang umalis sina Egay at Falcon, tiyak kung ano ang sinapit natin mula sa kanila…ganun din ang mangyayari sa tutumbuking bansa gaya ng Taiwan, China at Japan na malalapit sa atin. Magkakabaha rin sila at maraming istraktura ang masisira. Ang lamang lang nila siguro ay sa kahandaan at gamitteknikal.

Ang maipagmamalaki nating kalamangan sa kanila ay ang diwa ng Bayanihan. Maliit man o malaking trahedya ang magaganap sa atin, kapit-bisig ang lahat para magtulungan. Manaka-naka lang ang mga eksenang may magsasamantala gitna ng kalamidad. Ang kakulangan siguro natin ay mga dagdag na paraan sa transportasyon at permanenteng evacuation centers upang hindi laging mga paaralan ang nagagamit. At siyempre…hindi makakakilos ang gobyerno kung wala tayong pondo. Tuwing may kalamidad, marami tayong aral na natututunan.

Ang masakit, ayaw nating tanggapin ang ating mga kakulangan. Kibit-balikat lang tayo at umaasa na lang sa bigay ng pmahalaan. At kadalasan, gobyerno pa ang sinisisi. Sa ganang amin, gaano man katatag ang isang pamahalaan lalo na sa panahon ng kalamidad…kulang pa rin ang kanyang kakayahan kung hindi makikipagtulungan ang sambayanan. Aalalay ang gobyerno, pero dapat tayong kumilos para sa ating kapakanan. Sariling-sikhay at sikap ang pairalin sa anumang panahon at iwasan ang laging paninisi. Kasabihan: aanhin mo ang damo kung patay na ang kabayo? Sabat ng iba: mag-alaga ka ng mga hayop liban sa kabayo. Adios mi amor, ciao, mabalos.

"NEP-NEP"

Amianan Balita Ngayon