Sa ikatlong pagkakataon ay nagharap ang mga pabor at kontra sa paglalagay ng parking area sa Burnham Park sa public consultation na pinangunahan ng konseho ng lungsod noong Mayo 22.
Iginiit ni Arch. Robert Romero ng University of the Cordilleras na bumalangkas sa UC Burnham Park Master Development Plan ang pangangailangan sa multi-level parking building.
“Let’s accept the reality that cars are now a necessity and the park is a tourist destination. By deciding to provide a parking structure in the area which was a result of extensive studies and sustainable approach to planning and design, we are just trying to systematize and give order by putting a place for everything,” ani Romero.
Inulit din ni Traffic Engr. Teodorico Tan ang nauna na nitong pahayag na pinakamainam na solusyon sa problema sa trapiko ng lungsod ang pagtatayo ng parking facilities hindi lamang sa Burnham Park kundi maging sa iba pang mga barangay ng lungsod.
Inihayag naman ni Eliseo Corson, presidente ng Burnham stall owners sa lugar ng dating auditorium, ang pagsuporta ng karamihan sa miyembro ng kanilang samahan sa multi-level parking sa lugar.
Ngunit hindi umayon sa planong multi-level parking sa Burnham Park si Chinese University of Hongkong professor Ian Morley, visiting professor sa University of the Philippines Baguio.
Ani Morley, ang Baguio ay hindi isang normal na lungsod kaya kailangan nitong mapangasiwaan nang may pag-iingat.
Sa papel na inihain nito sa mga komite ng Urban Planning, Lands and Housing na pinamumunuan ni Councilor Edgar Avila, Public Works sa ilalim ni Councilor Mylen Yaranon, at Public Utilities, Transportation and Traffic Legislations sa ilalim ng Councilor Benny Bomogao, ay pinigilan ni Morley ang pagtatayo ng planong gusali sa parke upang mapangalagaan ang heritage, cultural significance, ang pagsisilbing kanlungan ng parke sa panahon ng mga sakuna at upang maiwasan ang commercialization nito.
Sinalungat din ni Morley ang naunang pahayag ni Tan na masasagot ang problema sa trapiko ng lungsod sa pamamagitan ng parking buildings kaysa sa isang mahusay na transport system. Aniya, ang car parks ay mag-uudyok lamang sa mga tao na gumamit ng mas maraming sasakyan at ang car parking strategy na may depekto ay magpapalala lamang sa sitwasyon ng trapiko.
Sinabi ni Morley na isa sa mga dokumento na ginawa noong pang 1972 ang nagsasaad ng pangangailangan ng Baguio sa isang mahusay na public transport system dahil sa inaasahan na pagdami ng populasyon nito.
Ani Dr. Achilles Costales ng UPB, kaysa sa pagtatayo ng parking buildings, mas mainam ang paglalagay ng mas mahigpit na parusa sa paglabag sa batas trapiko at paghimok sa publiko na magbisikleta o maglakad kaysa gumamit ng sasakyan.
Iginiit din ng Department of Tourism Cordillera (DOT-CAR) sa ilalim ni Regional Director Venus Tan ang nauna na nitong pagtuligsa sa parking construction at pagnanais na mapanatili ang parke bilang heritage park, landmark at cultural heritage.
Inihayag din ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority representative Michelle Rivera ang pagtutol sa parking building at aniya ay humanap na lamang ng ibang pagtatayuan.
Ang mga Baguio old-timers na sina Ruby Giron, Ruby Carino at Mita Dimalanta ay tinuligsa ang pagbibigay ng prayoridad ng lungsod sa pangangailangan ng mga turista kaysa sa mga residente.
Sinabi ni Giron na dapat magkaroon ng pag-aaral kung alin ang mas malaki ang ambag sa ekonomiya ng lungsod sa pagitan ng mga turista at estudyante upang malaman kung alin sa kanila ang mas kailangang pagtuunan ng pansin. A.P.REFUERZO / ABN
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025