LATRINIDAD,Benguet – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines North Luzon sa pamumuno ni Atty. Lucky Damasen, ang pagpatay sa city deputy prosecutor ng Ilagan City, Isabela, habang ito ay nasa compound ng kanyang bahay sa Conner, Apayao.
Sa ulat niCol. Elmer Ragay, chief ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Cordillera, ang biktima ay si Atty. Victor Domingo Begtang Jr., ng Sitio Hanhan, Barangay Malama, Conner, Apayao at nakatalaga sa City Prosecutor Office, Ilagan City,Isabela.
Sa ulat ng Conner MPS, ang biktima ay nasa loob ng compound ng kanyang bahay sa Sitio Hanhan, Barangay Malama, Conner, Apayao, dakong alas 2:30 ng hapon ng Hunyo 23, nang biglang sumulpot ang suspek at binaril ang biktima ng apat na beses.
Mabilis umanong tumakbo ang gunman patungo sa highway at sumakay sa nag-aantay nitong kasamahan na naka-motorsiklo na kulay red-black XRM. Naisugod ang biktima sa Conner District Hospital, subalit makalipas ang ilang minuto ay binawian ito ng buhay.
Ayon kay Ragay,binigyan ng prioridad ng Apayao PPO para tutukan ang kaso at mahuli ang mga suspek. Ayon kay Damasen, labis ang kanilang pagdadalamhati sa pagpaslang kay Begtang na kilala bilang mahusay,respetado at may dedikasyon sa trabaho at maghahain sila ng official statement para kondenahin ang pamamaslang at hilingin sa pulisya na mabigyan ng agarang hustisya.
Zaldy Comanda/ABN
June 26, 2021
May 17, 2025