PROSTATE CANCER, KALABAN NG KALALAKIHAN

Ang prostate cancer ay isang uri ng kanser na tumutubo sa prostate gland, na matatagpuan sa ibaba ng pantog ng isang lalaki. Ito ay isang gland na naglalabas ng seminal fluid. Ayon sa datos, ang prostate cancer ay ang panglima sa lahat ng kaso ng kanser sa Pilipinas at pang-siyam sa dami ng kaso ng pagkamatay dahil sa kanser. Sa isang kamakailang pagtitipon ng Kapihan sa Baguio, ipinaliwanag ni Dr. Mary Gay Buliyat, Medical Specialist II sa Cancer Department ng Internal Medicine ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC), ang kahalagahan ng pag-unawa sa prostate cancer. Ang nasabing pagtitipon ay bahagi ng mga aktibidad ng Department of Health Cordillera Administrative Region (DOH-CAR) para sa buwan ng Hunyo, na may temang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang isyu sa kalusugan. Ayon kay Dr. Buliyat, kadalasan ay walang nararamdamang sintomas sa early prostate cancer.

Ngunit ang mga pasyenteng may advanced cancer ay maaaring magkaroon ng mga sintomas tulad ng hirap sa pag-ihi, mahinang pag-agos ng ihi, dugo sa ihi o semilya, erectile dysfunction, pananakit, at pagbaba ng timbang. Mayroong ilang mga risk factors na maaaring magdulot ng prostate cancer, kabilang ang edad na 50 pataas, lahi, family history, alkohol intake at paninigarilyo, at obesity. Mahalaga ang screening para sa maagang pagtuklas ng prostate cancer, na maaaring gawin sa pamamagitan ng Prostate Specific Antigen Test (PSA) at Digital Rectal Exam (DRE).

Ang paggamot sa prostate cancer ay nakadepende sa ilang factors, gaya ng kung gaano kabilis kumalat o lumaki ang bukol, general health ng pasyente, at ang mga benepisyong makukuha sa mga gamot. Ang mga paraan ng paggamot ay maaaring kabilang ang active surveillance, chemotherapy, hormonal at bone supportive treatment, surgery, at radiation therapy. Mahalaga ang konsultasyon sa isang multidisciplinary team para sa wastong paggamot sa prostate cancer. Sumangguni sa inyong doktor kung kinakailangan ang screening o paggamot. Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang pag-unawa sa prostate cancer upang maiwasan at matuklasan ito nang maaga.

Millard Jude Omar V. Gregorio/ UC-Intern

Amianan Balita Ngayon