BAGUIO CITY
Muling mahigpit na pinag-iingat ng City Health Service Office ang publiko laban sa dengue, leptospirosis at iba pang sakit na posibleng
dumapo o kumalat sa panahon ng tag-ulan. Sa City Hall Hour noong Hunyo 4. Iniulat ni Ruby Magsino, epidemiologist ng CHSO, naitala ang 390 kaso ng dengue sa Baguio City mula Enero 1 hanggang Hunyo 1, 2025. Ayon kay Magsino, bagamat mas mababa ito ng 19% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ay hindi pa rin dapat maging kampante ang publiko, lalo’t nagsisimula na ang tag-ulan. Aniya, tatlo na ang namatay sa dengue ang naitala ngayong taon, lahat ay mula sa unang quarter.
Sa kasalukuyan, patuloy ang clean-up drives ng Sanitation Division sa mga barangay at isinasagawa ang Oplan Taob, isang kampanya para puksain ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok. Bukod dito, nagpapatuloy din ang vector surveillance kung saan kinokolekta at
sinusuri ang mga kitikiti upang malaman kung may presensya ng Aedes aegypti, ang lamok na nagdadala ng dengue. Ipinaalala ni Magsino ang mga sintomas ng dengue tulad ng lagnat, rashes, pananakit ng katawan, at pananakit sa paligid ng mata. Kung may lagnat, agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital. Mayroong 16 health centers sa lungsod at mga ospital na madaling puntahan ng publiko.
Samantala, apat na suspected cases ng leptospirosis naman ang naitala mula Enero 1 hanggang Mayo 25. Mas mababa ito ng 20% kumpara noong nakaraang taon. Paalala ni Magsino na nakukuha ang sakit mula sa tubig na kontaminado ng ihi ng daga, lalo na kung may sugat ang balat. Kabilang sa sintomas ang lagnat, matinding sakit ng ulo, at posibleng neurological symptoms. Patuloy ring binabantayan ang iba pang sakit tulad ng influenza, severe acute respiratory infections, at COVID-19. Sa kabutihang palad, mababa ang kaso ng COVID sa lungsod — 25 na kaso lamang ngayong taon, mas mababa ng 93% kumpara sa nakaraang taon. Panawagan ng CHSO sa
publiko: maging alerto, maglinis ng kapaligiran, iwasang lumusong sa baha, at agad na magpatingin sa doktor kapag may naramdamang sintomas.
Nickhole Gutierrez/UC-Intern
June 8, 2025
June 8, 2025
June 8, 2025