PUBLIKO PINAG-IINGAT SA HEAT STROKE

Ugaliing gumamit ng payong laban sa matinding init ng panahon.

Photo by By: Jeric Ivan Carbonell


BAGUIO CITY

Pinag-iingat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko sa “heat stroke” dulot ng unti-unting pagtaas ng temperature habang papalapit ang tag-init. Batay sa datos ng PAGASA Baguio Synoptic Station, naitala noong Marso 6, 2025, ang pinakamababang temperature sa lungsod sa 18.6°C, habang pumalo naman sa 27.4°C ang pinakamataas.
Malayo ito sa naitalang 11.8°C noong Enero 28, na isa sa pinakamalamig na temperatura ngayong taon.

Ayon kay weather observer Mar Josef Santos, senyales ito ng patapos na northeast monsoon o “amihan,” dahilan kung bakit unti-unti nang bumababa ang lamig sa lungsod. Ipinaliwanag niya na sa pagsapit ng Marso at Abril, tuluyang humihina ang malamig na hangin at mas umiiral na ang mainit na temperatura sa buong bansa. Bagamat nasa 27 hanggang 30°C lamang ang inaasahang pinakamataas na temperatura sa Baguio City, posibleng mas maramdaman ito ng katawan na parang nasa 32°C dahil sa heat index.

Ang ganitong sitwasyon ay maaaring magdulot ng discomfort at posibleng makaapekto sa kalusugan, lalo na sa mga matatanda at may
iniindang sakit. Dahil sa pagtaas ng temperature, napansin na rin ng ilang residente ang epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na
temper. Ayon kay Shane Espenido, mas madalas na siyang nakararanas ng sipon tuwing umaga, habang si Boni Billa, 77- anyos, ay patuloy na nag-eehersisyo sa Convention Center upang mapanatili ang kanyang kalusugan sa kabila ng mainit na panahon.

Sa kabila ng maalinsangang panahon, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng panandaliang pag-ulan dulot ng easterlies. Ayon sa PAGASA, bagamat tag-init na, may mga pagkakataong dadalhin ng hanging silanganan ang ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura, pinaalalahanan ang publiko na maging maingat at sundin ang mga paraan upang maiwasan ang heatstroke.

Kabilang dito ang palagiang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang dehydration, pagsusuot ng magaang at preskong damit, at
pananatili sa lilim o malamig na lugar sa pagitan ng tanghali at hapon. Pinapayuhan din ang mga mamamayan na iwasan ang labis na pisikal na aktibidad sa tapat ng araw, lalo na sa mga oras ng matinding init. Mahalaga rin ang sapat na pahinga at balanseng diyeta upang mapanatili ang lakas ng katawan sa panahon ng tag-init.

Jervic Ivan Carbonell/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon