Pulis patay, 3 sugatan sa laban sa NPA sa Pangasinan

BAGUIO CITY – Isang pulis ang namatay habang tatlo pa nitong kasamahan ang sugatan matapos makasalubong ng mga ito ang mga hinihinalang miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa San Nicolas, Pangasinan noong Hulyo 28 (Biyernes) ng umaga.
Sa inisyal na ulat ay lumabas na dakong 9:30 ng umaga nang habang nagsasagawa ng major combat operation ay nasabat ng miyembro ng Regional Public Safety Battalion 1 (RPSB 1) ang mga rebelde sa mabundok na bahagi ng Camp 3 at 4 at ng boundary sa Barangay Sta Maria at Barangay Malico sa naturang bayan.
Sa panayam ng media kinagabihan ng parehong araw kay Pangasinan Police Provincial Director Senior Supt. Ronald Oliver Lee, ang engkwentro ay resulta ng major operation ng RPSB na aniya, bago naganap ang sagupaan, ay dalawang araw at gabi nang nagsasagawa ng operasyon. “This is their third day, their last day, nang pababa na sila ay na-encounter nila yung grupo ng NPA,” ani Lee.
Aniya ay hindi pa malaman ang eksaktong bilang ngunit tinatayang humigit kumulang 20 na armadong rebelde ang kanilang nakaengkwentro.
Sinabi rin nito na isa sa dahilan ng isinasagawang operasyon ng RPSB 1 ay ang mga naiuulat na mga sighting ng rebelde. Ngunit, paliwanag niya, nananatili pa ring insurgency free ang Pangasinan dahil walang naiulat na aktibidad ng rebelde kundi mga sightings lamang.
Sa naganap na sagupaan ay killed in action (KIA) ang miyembro ng RPSB1 na si PO2 Aries Tamondong. Ang bangkay nito ay dinala sa Eastern Pangasinan District Hospital, Tayug, Pangasinan.
Ang anim na district police station ay isinailalim din sa full alert status. ABN

Amianan Balita Ngayon