PUNA AT PANSIN

HABANG ang pandemya ay patuloy ang pananalasa sa atin, habang iba’t ibang uri at hugis ng mga sub-variant ang
nalilikha, habang walang tigil din ang mga babalang oras-oras ay umaalingawngaw, umaayos naman kaya ang sitwasyon? Ilang araw na ring ginaganap ang PinasLakas ang bagong bansag sa programang bakunahan  pero tila matumal pa rin ang tugon ng mga tinatarget na mamamayan.

Mabuti pa ang mga sinehan, dinudumog ng mga manonoood, kung kayat ni karayom ay walang puwang. Anyare? Tuluyan na nga bang bahala na ang susunod na kabanata? Tanging kabuhayan na lang ba ang may halaga sa atin?
Tuluyan na bang paiinogin ang galaw ng buhay sa kumpas at daluyong ng tawag ng sikmura at taghoy ng bituka? Meron pa bang pagkukulang na dapat pinuin ng mga bossing para naman sa loob ng 100 araw ng boss tsip ay mas magandang mga numero ang maidagdag sa bilang ng mga bakunado at naturukan na ng dalawang pampalakas ng immunity?

Tigilan na natin ang pagwawalang bahala sa palalang kundisyon ng ating laban sa pandemya. Nabukanahan ka nga ng primary dosage, ngunit sa booster shot na kailangan ay dedma ka pa rin? Para ka namang kahapon lang
ipinanganak kung ang paniwala mo ay hindi na kailangang madagdagan pa ang turok sa balikat.Prangkahang usapan: takot ka ba talaga sa dagdag bakuna? O di kaya tamad ka lang na magpabakunang muli?

Kung takot ang mamamayani sa iyo, konting paliwanag lang siguro ng mga pantas at eksperto (hindi ng mga Marites at Alipio) ay dapat namang pakinggan, pansinin at tanggapin. Higit silang may alam. Ang batayan ay syensya,
hindi haka-haka, hindi hulahula. Tignang muli ng maige ang mga bagong numero. Pataas ng pataas, parang presyo ng lahat lahat na. Ibig sabihin, walang puknat ang mga bagong bilang ng mga hawaan.

Ibig sabihin, maski bakunado ka na, pwede ka pang ma-covid. At ma-covid mga mahal sa buhay. Haay buhay! Aangat lang tayo kung aangat din ang ating kamalayan, kaalaman, at katalasan ng pag-iisip.

GENEROSITY

MAHARLIKA

Amianan Balita Ngayon