RADIO BROADCASTING TEAM NG SLU, TAGUMPAY SA PALIGSAHAN

BAGUIO CITY

Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio ang kahusayan ng Saint Louis University (SLU) White and Blue radio broadcasting team sa
pamamagitan ng pagpasa ng resolusyon ng pagpupugay. Sa bisa ng Resolution No.119, series of 2025, pormal na binati at pinuri ng konseho ng lungsod ang nasabing grupo para sa kanilang natatanging tagumpay sa kauna-unahang radio broadcasting competition sa
CARAA meet, na ginanap noong Pebrero 12-15 sa Benguet State University.

Ang paligsahan ay bahagi ng ika-23 Cordillera Regional Higher Education Press Conference na may temang, “Press Play: Campus
Journalists as Game Changers in the Digital Revolution.” Nagkamit ang SLU White and Blue team ng unang pwesto na may markang 96
porsyento, isang testamento sa kanilang husay at dedikasyon sa larangan ng radio broadcasting. Ang grupo ay binubuo nina Candice Ocampo, Angeline Fajardo, Hajkeem Lintao, Rohan Yzrel Ruiz, Samantha Haezel Doroteo, Kemm Mitchel Olarte, at Darius Roark.

Ayon sa resolusyon, ang kanilang “incredible accomplishment, demonstrated by exceptional skill and talent, brings immense pride to Baguio City and serves as an inspiration to students in the field of broadcasting.” Higit pa rito, nakakuha ang grupo ng perpektong marka sa kategoryang infomercial para sa kanilang pagtataguyod ng kampanya ng Commission on Elections laban sa vote buying. Ang kanilang tagumpay ay pinatnubayan ng kanilang adviser na si Kaye Leah Sitchon at coach na si Janet Tibaldo, na nagpakita ng kanilang dedikasyon sa paghubog ng mga batang mamamahayag.

Ang natatanging tagumpay na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng SLU sa kahusayan sa journalism at nagbibigay ng karangalan hindi
lamang sa institusyon kundi sa buong rehiyon ng Cordillera. Ang resolusyon ng pagpupugay ay nagpapatunay sa pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio sa mga indibidwal at organisasyon na nagbibigay ng malaking ambag sa lungsod.

Daniel Mangoltong/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon