“RAT CATCHING CHALLENGE” MULING INILUNSAD SA BAGUIO PUBLIC MARKET

BAGUIO CITY

Muling inilunsad ng pamahalaang lungsod ang tatlong buwang Rat Catching Challenge sa loob ng Baguio City Public Market na pangangasiwaan ng City Treasurer – Market Section at ng City Veterinary and Agriculture Office (CVAO), na magsisimula sa Mayo 20 hanggang Agosto 31, 2024. Ang pagpuksa sa mga daga ay isang prayoridad upang
matugunan ang mga kaso ng leptospirosis sa lungsod, na tumaas ng 126 porsiyento noong nakaraang taon sa mga
buwan ng Hulyo at Agosto, sa pagsisimula ng tag-ulan na nagdulot ng pagkamatay ng pitong indibidwal.

Hinihikayat ang mga nangungupahan at nagtitinda sa pampublikong pamilihan na muling tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan sa pamamagitan ng pagpuksa sa pagkakaroon ng mga daga, na may mga kalakip na premyo. Ngayong taon, ang seksyon na may pinakamaraming nahuling daga ay tatanggap ng P25,000 cash prize; ang pangalawang pwesto ay tatanggap ng P15,000; ang ikatlong pwesto ay tatanggap ng P10,000; at P5,000 para sa
pinakamaraming daga na nahuli ng isang indibidwal.

Ang mga nakulong na daga, buhay man o patay, ay kailangang i-turn over sa isang collection point, na magsisimula
sa 8:00 a.m. hanggang 3:00 p.m., na pangangasiwaan ng Market Supervisor. Ang aktibidad ay naglalayon na patuloy na masangkot ang mga market leaseholder at vendor kabilang ang mga privately-operated business establishments sa loob ng market premises sa pagpuksa ng mga peste para sa kaligtasan ng publiko. Ang unang Rat Catching
Challenge ay pinasimulan ni Mayor Benjamin Magalong noong 2020, upang lipulin ang mga daga na nakikitang
umuunlad sa pampublikong pamilihan. Sa isang buwan ng pangangaso ng daga, umabot sa kabuuang 1,766, ang karamihan ay nahuli ng mga tindero sa Lechon Section, Pines Meat Mart at Entrails Section.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon