Recyclers association ng Baguio, nakiisa sa environment month

Nakiisa ang recyclers association ng Baguio City na binubuo ng iba’t ibang barangay sa lungsod para sa obserbasyon ng Philippine Environment Month.
Ang Philippine Environment Month sa buwan ng Hunyo ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 237 series of 1988 para sa mas maigting at mahabang panahon ng paghihikayat sa mamamayan upang protektahan at pangalagaan ang kalikasan maliban pa sa selebrasyon ng World Environment Day tuwing ika-5 ng Hunyo taon-taon.
Ngayong taon, ang tema ay “Seven Billion Dreams, One Planet, Consume with Care”.
Ayon kay Albina Otiguey, presidente ng Conquerors Association of Middle Quirino Hill at Bless Weavers Recycle Bag na miyembro din ng recyclers association ng Baguio City, ginawa nila ang programang ito upang makatulong sa pagbabawas ng mga basura sa kanilang mga lugar.
Ilan sa mga produktong gawa nila ay ang mga sofa na gawa sa newspaper, mga pitakang gawa sa plastic na bote ng softdrinks, mga bulaklak na gawa sa candy wrappers, mga bag na gawa sa straw, mga basahan na gawa sa mga lumang damit at iba pang dekorasyon sa bahay na gawa sa recyclable materials.
Ang mga naturang produkto ay nai-display sa lobby ng Baguio City Hall mula ika-25 hanggang ika-29 ng Hunyo.
Ayon kay Councilor Elaine Sembrano, mapaparangalan ang mga may kakaibang produkto at makakatanggap ng mga trophies at cash prizes. Ihahayag nila ang mga nanalo sa ika-2 ng Hulyo (Monday) sa flag raising ceremony sa harap ng city hall. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon