Region 1 nakatanggap ng 28K doses ng Sinovac vaccines

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – May kabuuang 28,800 doses ng Sinovac vaccines ang dumating sa Ilocos Center for Health Development idi Lunes (Mayo 17, 2021).
Ayon kay Magnolia Brabante, medical officer IV, itong ikapitong batch ng COVID-19 vaccines ay nakalaan para sa 14,400 katao na nasa A1 at A2 priority group habang anumang sobra ay gagamitin na bakunahan ang mga nasa listahan ng A3.
“Ang mga bakunang ito ay nakalaan po para sa 14,400 na indibidwal na kasalukuyan nating tinatapos mabakunahan sa loob ng A1 at pati A2 priority groups,” ani Brabante.
Dagdag niya, “Kung mayroon man pong sosobra sa batch na ito ng mga bakuna ay magsisimula na tayo sa pagbabakuna sa Priority List A3.”
Sa national vaccination plan, ang A1 ay ang mga health care workers; A2 ang mga senior citizens; a rang mga nasa A3 group ay mga indibiduwal na may comorbidities na ikinokinsidera bilang pangunahing sanhi ng COVID infection.
Binigyan-diin din ni Brabante na ang inoculation centers sa buong rehiyon ay kailangan gamitin ang mga bakuna sa loob ng anim na araw matapos matanggap ang kanilang alokasyon.
“Patuloy po nating binibigyang-diin na once na nakarating na ang bakuna sa vaccination sites ay magamit na ito sa loob ng anim na araw,” aniya.
Isa pa, hinikayat niya ang publiko, lalo na ang mga nasa priority line na magpabakuna. “Sana kung dumating na ‘yung opportunity na mabakunahan ay magpabakuna na lalo na yung mga senior citizen dahil parte sila ng itinuturing na vulnerable sector para makaiwas sa severe cases of COVID-19,” ani Brabante.
(CGC-PIA LU/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon