Rehabilitasyon sa Banaue Rice Terraces isinusulong ng TRIUMPH

BANAUE, IFUGAO – Target ngayon ng Terraces Restoration Initiative United Movement for the Preservation of the Heritage (TRIUMPH), na maisaayos ang 540 ektrayang Banaue Rice Terraces na inabandona sa tulong ng mga donasyon mula sa iba’t ibang organisasyon, para sa preserbasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organisation (UNESCO) Heritage site.
Ayon kay Mayor Jerry Dalipog, ang TRIUMPH ang nangangasiwa sa tinatawag na “chawa” program, na binubuo isang grupo ng 40 katao mula sa local government unit at farmers, na siyang mangangalaga sa paglilinis, pagsasaayos ng stone walled terraces at pagtatanim sa mga abandonadong taniman.
Aniya, ang chawa, na sinimulan kamakailan bilang programa at pagkakasunduan sa pagitan ng LGU at may-ari ng abandonadong taniman na 50-50 porsyento ang hatian sa maaaning tanim na palay.
“Sa kabuuang 1,607 hectares ng Banaue Rice Terraces ay 540 hectares ang inabandona noong 2015, na karamihan ay nasira ng mga nagdaang bagyo at walang panggastos ang may-ari para sa stone rip-rap. Target naming maisaayos at makompleto ito sa loob ng dalawang taon,” pahayag ni Dalipog.
Ayon kay Dalipog sa ngayon ay naisagawa na nila ang rehabilitasyon sa 20 ektarya at 8 ektarya rito ay nataniman na ng palay at inaasahang maaani ito sa buwan ng Hulyo.
Aniya, nagawa ang programang ito sa tulong ni Milagros Ong-how ng Universal Harvest Inc. (UHI) mula sa kanilang corporate social responsibility program, na nangako ng pondong P3million para sa restoration ng rice terraces sa Barangay Viewpoint.
Ipinaliwanag ni Dalipog, noong 2016 ay nagsimula ang rehabilitation nang magtungo ang ilang mga government officials ng bansang Indonesia, Japan at China, para pag-aralan kung paano pinangangalagaan ang kanilang rice terraces.
“We are expecting another P3 million mula sa sponsor para sa pagpapatuloy ng rehabilitation program. At yong kikitain na maani sa natanimang terraces ay ibebenta para magamit din sa rehab ng abandonadong terraces,” wika pa ni Dalipog.
Bukod sa P3-million budget, ang P200 million mula sa General Appropriations Act of 2018 ay itinalaga na para sa restoration ng terraces.
Ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza)  ay naglaan din ng budget na P60 million para naman sa rehabilitation ng stone walled rice terraces sa Barangay Batad at Bangaan, na kapuwa tourist destinations.
Ang Department of Public Works and Highways ay naglaan din ng pondong P109 million para sa stonewalling sa mga terraces sa iba pang barangays, samantalang P14.4 million naman ang inilaang pondo ng Department of Agriculture at P11 million para sa pagsasaayos ng trails.
Ayon pa kay Dalipog, kapag nasaayos at nataniman na ang 540 abandonadong rice terraces ay aasahang lalago ang Tinawon rice variety, na siyang native organic rice ng Ifugao. TONY QUIDANGUEN / ABN

Amianan Balita Ngayon