REPORTER ARESTADO SA PANGINGIKIL SA PANGASINAN

CALASIAO, Pangasinan

Inaresto ng pulisya ang isang 62-anyos na reporter dahil sa umano’y pangingikil sa isang negosyante sa Barangay Poblacion East, Calasiao,Pangasinan, noong Enero 11. Sa ulat ni Col. Jeff Fanged, provincial director ng Pangasinan Provincial Police Office, kay Brig. Gen. John Chua, regional director ng Police Regional Office 1, kinilala ang suspek na si Segundino Delfin Apostol Jr., contractor at residente ng Poblacion East, San Nicolas, Pangasinan.

Sinabi ni Fanged na si Raymund Bautista Angustia, 39, residente ng Barangay Longos at may-ari ng fun fair sa Barangay Poblacion East, ay nagsampa ng reklamo laban kay Apostol dahil sa paghingi nito ng protection money para sa kanyang negosyo. Binantaan umano ni Apostol ang biktima na
ipapasara niya ang kanyang peryahan kapag hindi ito sumunod sa kanyang kahilingan.

Humingi ng tulong si Angustia sa pulisya dito na nag-set up ng entrapment operation. Arestado si Apostol matapos matanggap ang P2,000 marked money mula sa biktima alas-8:50 ng gabi. Si Apostol, na nagtatrabaho rin bilang isang contractor, ay isang reporter ng isang tabloid na nakatalaga sa lalawigan ng Pangasinan. Nahaharap ang suspek sa kasong robbery-extortion.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon