LUNGSOD NG BAGUIO
Isang kainan ang nabisto na lihim na naghahain ng putaheng karne ng aso, sa isang karinderya sa Dagohoy Street, Baguio City,noong Abril 24. Isinagawa ng Task Force Monitoring Inspection Group ng Baguio LGU ang isang inspeksyon matapos makatanggap ng mga
anonymous na tip mula sa mga concerned citizens na mayroong ilegal na bentahan ng karne ng aso sa nasabing lugar. Sa pagpasok ng mga awtoridad, natuklasan nila ang pitong kilo ng hiniwang karne ng aso na nakalagay sa isang malaking mangkok, pati na rin ang tatlong ulo ng aso na nakaimbak sa freezer ng kainan.
Nakita rin na tinatago ng mga tauhan ng kainan ang karne sa ilalim ng kusina upang itago ito sa mga inspeksyon. Aminado ang may-ari ng
kainan na alam niyang ipinagbabawal ang pagbebenta ng karne ng aso, ngunit ipinaliwanag niya na ginagawa nila ito dahil ito ang hinahanap ng kanilang mga customer. “Sinubukan naming mag-alok ng ibang putahe tulad ng karne ng kambing, ngunit hindi ito kumikita nang husto dahil mahal ito at maliit ang kita,” dagdag pa niya. Ang pagbebenta at pagkain ng karne ng aso ay ipinagbabawal sa Baguio City at sa buong Pilipinas sa ilalim ng ilang mga batas at ordinansang: Ordinance Number 69, Series of 1991 ng Baguio City – nagbabawal sa pagbebenta ng karne ng aso sa lungsod at Republic Act No. 8485 (Animal Welfare Act of 1998), na-amendahan ang RA 10631 – nagbabawal sa malupit na pagtrato at pagpatay sa mga aso, kabilang ang paggamit ng aso bilang pagkain.
Ang kainan ay binigyan ng “notice of violation” at binalaan na kung mahuli silang muli ay maaaring irevoke ang kanilang business permit at ipasara ang negosyo. Ang mga lumalabag dito ay maaaring makulong ng hanggang dalawang taon at/o multahan ng hanggang P100,000, ayon sa Animal Welfare Act at iba pang kaugnay na batas. Ayon kay Dr. Silardo Bested ng Baguio City Veterinary Office, walang legal na pagkatay o komersyal na bentahan ng karne ng aso sa lungsod. Ang mga karne ng aso na nakukumpiska ay kadalasang nagmumula sa mga lugar sa lowlands, at ang kanilang tanggapan ay patuloy na nagmomonitor at nagsasagawa ng mga inspeksyon upang mapigilan ang ilegal na kalakalan at pagbebenta nito. Nagbigay rin ang CVO na ang pagkain ng karne ng aso ay delikado sa kalusugan dahil maaari itong magdala ng mga sakit tulad ng rabies at iba pang parasitiko.
Adrian Brix Lazaro/UB-Intern
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025