Sa kapantay na sangay, dapat may respetuhan

Nakasaad sa Artikulo II, Seksiyon 1 ng 1987 Konstitusyon na “ang Pilipinas ay isang demokratiko at republikanong Estado. Nasa mga mamamayan ang kapangyarihan nito at nagmumula sa kanila ang buong pamunuan ng pamahalaan.”
Ang Pilipinas ay isang republikang may pampanguluhang anyo ng pamahalaan kung saan pantay na nahahati ang kapangyarihan sa tatlong sangay nito: ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.
Isang mahalagang bunga ng pampanguluhang sistema ng pamahalaan ay ang prinsipyo ng paghahati ng kapangyarihan, kung saan nasasailalim sa Kongreso ang paggawa ng mga batas, nasasailalim sa Ehekutibo ang pagpapatupad ng mga ito, at nasasailalim sa Hudikatura ang pagpapasya sa mga kontrobersiyang legal.
Ang Lehislaturang sangay ay pinahihintulutang gumawa ng mga batas, mag-amyenda, at magsawalang-bisa ng mga ito gamit ang kapangyarihang ibinigay sa Kongreso ng Pilipinas.
Nahahati ang institusyong ito sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan. Lahat ng batas ay nangangailan ng pagsang-ayon kapuwa ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan na isusumite sa Pangulo. Maaaring ipawalang-bisa ng Kongreso ang presidential veto sa isang dalawang-katlo na sobrang nakararami.
May kapangyarihan ang Senado na bumoto ng mga tratado samantalang ang Mababang Kapulungan ay maaari lamang magpakilala ng perang papel. Karagdagan ay may kapangyarihan ang Kongreso na mag-impeach habang ang Senado ay maaaring litisin ang na-impeach na opisyal.
Ang Ehekutibong sangay ay binubuo ng Pangulo at Pangalawang Pangulo na kapwa inihalal ng boto ng nakararami at magsisilbi sa loob ng anim na taon. Binibigyan ng Konstitusyon ang Pangulo ng kapangyarihang piliin ang kanyang Gabinete. Bubuuin ng mga kagawarang ito ang isang malaking bahagi ng burukrasya ng bansa. Ang Presidente ay ang pangunahing pinagmumulan ng ehekutibong kapangyarihan, bagaman karamihan ng kaniyang kapangyarihan ay ipinagkaloob sa kaniyang gabinete at siya rin ang punong kumandante
Ang Hudikaturang sangay ay may kapangyarihang lutasin ang mga sigalot sa pagpapatupad ng mga karapatang nakasaad sa batas. Hinahatulan ng sangay na ito kung nagkaroon o hindi ng matinding pang-aabuso sa pagpapasya, na katumbas ng kakulangan o kalabisan ng kapangyarihan, sa panig ng pamahalaan. Binubuo ito ng Korte Suprema at mga nakabababang hukuman.
Hayagang ginagawaran ng Konstitusyon ang Korte Suprema ng kapangyarihan ng Judicial Review, o kapangyarihang ideklara bilang unconstitutional o labag sa konstitusyon ang mga pandaigdigan at pang-ehekutibong kasunduan, batas, atas ng pangulo, proklamasyon, kautusan, tuntunin, ordinansa o regulasyon. Ayusin ang aktuwal na mga kontrobersiya na sangkot ang mga karapatan na hinihiling ng batas at naipapatupad.
Ang Pangulo at mga miyembro ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan ay iniluklok at inihalal ng mga mamamayan kaya napakalaki ng inaasahan ng tao sa kanila, idagdag pa ang mataas na pagrespeto sa kanila. Ang Senado ng Pilipinas ay ang mas mataas na chamber ng Kongreso ng Pilipinas, ang lehislatura ng bansa.
Umiiral ito upang lumikha at maisulong ang isang pambansang perspektibo sa pambansang polisiya upang sa ganun ay makagawa ng isang maunlad, ligtas, tapat at demokratikong bansa. Sa 106 taon ng pagkakatatag nito ay naging sanayang dako ito para sa pambansang liderato at nagsilbi bilang kahuli-huliang moog ng malayang pagdedebate at pangangasiwa ng Republika.
Kaya nga ito ay naging isang pinagpipitaganan na demokratikong institusyon na palagiang itinataguyod ang pambansang interes, proteksiyong sibil, politikal at pantaong mga karapatan, at nagsusulong ng katapatan at pananagot sa serbisyong pampuliko.
Ngunit ang pagkamaginoo at kagala-galang na katangian ng isang opisyal ng gobyerno ay nakikita ba natin ngayon? Sa patuloy ng bangayan, palitan ng mga maaanghang na akusasyon sa pagitan ng ilang Senador partikular si Senador Richard Gordon na siyang puno ng Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa alegasyon ng anomalya sa pagbili ng mga medical equipments at Personal Protective Equipments ng gobyerno at ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ay tila wala nang makitang pagkamaginoo sa kanila. Nangingibabaw na ang mga galit at nasasapawan na ang katangian ng isang mabuti, hinahangaan at tinitingalang estadista ba dapat sana’y taglay nila – sa lahat ng panahon at pagkakataon.
Sa pag-usad ng imbestigasyon sa Senado ay lumalalim na at tila nagsanga-sanga na ang anomalya. Kung may mapatunayan ay kailangang managot ang dapat managot at huwag nang pakialaman pa ng Pangulo – kung totoo nga na walang kabulastugang nangyari sa pagbibigay ng kontrata sa isang kuwestiyunableng kompanya.
Dahil ang patuloy niyang pagtatanggol sa mga iniimbestigahang opisyal ng Pharmally ay maaaring taliwas sa kaniyang polisiya ng katapatan at pananagutan gayundin ang kaniyang paulit-ulit na pangakong papalisin ang korapsiyon sa gobyerno.
Sa panig naman ng Senado ay huwag na itong patagalin pa na baka mabuo na ang hinalang ginagamit lamang ito para sa political exposure na tinatawag. Kailangang panatilihin pa rin ang respeto sa isang kapantay na sangay ng gobyerno pati na rin sa trabaho nito. Dahil ang toro ay walang respeto kaya huwag maging bully.

Amianan Balita Ngayon