Sa likod ng pagtutulungan, may nakakalusot pa rin

Sa nakaraang pananalanta ng bagyong Ompong ay muli natin nasaksihan ang pagbuhos ng tulong para sa mga biktima sa Ucab, Itogon, Benguet at iba pang panig ng probinsiya at rehiyong Cordillera. Ang mga gawaing ito ay patunay na nabubuhay pa ang ‘bayanihan’ na tatak ng isang pagiging Pilipino. Mula sa gobyerno, mga grupo at personalidad, mga politiko at maging tulong sa ibang bansa ay bumuhos. Naging pahirapan man ang paghahatid ng mga ayuda at tulong-tulong ang gobyerno lalo na ang LGU, AFP, PNP, DSWD at mga NGOs, media at mga Emergency Rescue Responders sa pamamahagi ng mga ito.
Subalit sa kabila ng magandang imahe ng mga pagtulong ay may mga pangyayari din na nakasira sa pagmamalasakit at espiritu ng pagtutulungan. May mga ulat kasing pinagsasamantalahan ng ilan, ang iba ay mga opisyal pa ng barangay ang mga bagay na tulong, gaya ng bago ihatid ang mga tulong gaya ng mga damit at mga pagkaing de lata ay nauuna pa raw silang pumipili para sa pansarili. May mga kababayan din natin na pinagnanakawan ang ma bahay na iniwan ng mga evacuees at ang nakakapanlumo pa ay ginagamit na ng ilang pulitiko ang sitwasyon upang maisulong ang tila maagang pangangampanya nila. Itigil na sana ang mga masamang gawain na ito.
MARAMI SANA TAYONG NATUTUNAN
Marami sana tayong natutunan sa nakaraang trahedya sa Ucab, Itogon at iba pang panig ng Probinsiya ng Benguet, at maging sa nangyari ding pagguho sa Naga City, Cebu kung saan daan tao ang namatay at libong tao rin ang naapektuhan. Gaya ng: huwag na sanang payagan ng mga awtoridad na manirahan at magsagwa ng pagmimina sa lugar na natukoy naman ng MGB na delikado at malapit sa mga pagguho; huwag nang humangga sa pre-emptive evacuation warnings ang gawin ng mga awtoridad kundi isagawa na ang forced evacuation kahit pa sabihing mahirap hulaan ang pagguho kaysa baha; kilalaning mabuti ng LGU ang terrain ng mga nasasakupan nila para sa mas mahusay na desisyon (makakatulong ang disaster maps); sa mga residente naman ay huwag nang magtiwala at manalig sa mga nakaraang praktikal na karanasan na; tumalima na ang mga residente sa mga panawagan ng mga opisyal; dapat magkaroon na ng makatotohanang regulasyon sa pagmimina at magkaroon na ng kapalit na ikabubuhay ng mga nakadepende sa pagmimina. Concerned Citizen

Cultural show

Amianan Balita Ngayon