LUNGSOD NG BAGUIO – Nakasagupa ng Special Action Force (SAF) commandoes sa isang test mission ang mga komunistang rebelde sa bulubunduking pagitan ng Ilocos Sur at Mt. Province umaga ng Sabado.
Sa maigsing palitan ng putok ay nanaig ang mga pulis at nakumpiska ang isang M16 assault rifle, tatlong mahahabang magazine, at nasa 170 rounds ng bala ng 5.56 assault rifle kabilang ang personal na gamit ng mga tumakas na rebelde bandang 7:50 ng umaga noong Sabado.
Walang nasaktan sa panig ng gobyerno habang hindi alam ng mga awtoridad kung may nasaktan o napatay sa mga rebelde sa nangyaring bakbakan.
Sinabi ni Cordillera police director Brig. Gen. R’Win Pagkalinawan na ang platoon 6 ng SAF commandoes Class 97- 2018 sa pangunguna ni Patrolman Alejandro Pambid ay nasa operasyon code name “Operation Red Dawn 2” nang makaenkuwentro nila ang nasa sampung rebeldeng komunista na pinapaniwalaang miyembro ng Kilusang Laranang Gerilya “Ampis” (Abra-Mt. ProvinceIlocos Sut).
Tumagal ang putukan ng sampung minuto nang umatras ang mga rebelde at iniwan ang assault rifle, magazines, mga bala, isang ammunition bandolier, isang rifle rig at mga personal na gamit gaya ng jacket, isang pantalon, isang panty, isang bra, cycling shorts, dalawang pares t-shirt, isang scarf, dalawang sanitary napkins, isang pares ng rain boots, dalawang pares ng medyas, isang face towel, isang bullcap, isang elastic bandage at isang pares ng jogging pants, 10 food keepers at 11 tumblers.
Nagsilbing sniper at blocking force teams ang Regional Mobile Force Battalion at mga pulis ng Mt. Province Provincial Mobile Force Company para sa mga SAF commandoes na nasa test mission.
AAD/PMCJr.-ABN
March 9, 2020
March 9, 2020
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025