SALA-+SALABAT NA PROBLEMA….ANDITO NA!

Hindi naman panahon ng krisis nguni’t diyan tayo babagsak kung di maagapan ang mga mabibigat
na problema sa kasalukuyan. Sabagay, saan daw ba nagmumula ang higanteng problema? Hindi ba sa ga-surot lang? Kaya ating himayin ang mga problemang ito, mga pards, hane: Una…lalo yatang lumalala ang pag-aalburuto ni bulkang Mayon. Ayon kasi sa pinakahuling ulat ng Philvocs…abot na sa 2.5Kilometro ang layo ng umaagos na lava ng bulkang Mayon. Ibig sabihin, kung patuloy ang aktibidad na ito, palapit ng palapit sa guhit ng 6Kilometer Danger Zone. Ibig sabihin, paurong naman ng paurong ang mga apektadong residents at ari-arian.

Pag nagkataon, ayon sa Philvocs…baka raw iuurong pa sa 7 hanggang 8 kilometro ang magiging “Danger Zone” o lugal na ipagbabawal ang mga residente at tao. Pag nagkataon…mas dadami ang
apektado. Sana, huwag naman na. Hindi lang si bulkang Mayon ang binabantayan sa ngayon na nasa Alert Level 3. Nasa Alert Level 1 din ang mga bulkang Taal at Kanlaon, di ba? Sabi nga ng mga
kabado….buti na lamang daw at hindi sumabay sa Alert Level 3 ang dalawang ito. Biro nga ng
mga sutil: para yatang may –usapan ang tatlong ire, eh! Para bang pinapauna muna si Mayon, tapos sunod naman sina Taal at Kanlaon.

Pero huwag ka, pards…hindi biro ang mga nag-aaburutong bulkan. Alalahanin natin kung papano
nabaon sa putik ang maraming lugal nang pumutok ang Mayon, ilang dekada na ang nakaraan.
Ganundin ang tahimik na si bulkang Pinatubo. Nang pumutok, grabe din ang dinalang delubyo hindi lang sa rehiyon kundi sa buong mundo. May nagbiro nga: dapat huwag nang makisabay si Pinatubo dahil graduate na siya a kalamidad. Pero sandali…may nagtatanong: puwede daw bang
patigilin ang pagputok ng bulkan? Namomonitor ang aktibidad ng bulkan kung kailan maaring puputok pero hindi masisisuguro kung gaano kalakas, di ba?

Parang lindol…basta bumabanat na lamang sa di alam na panahon. Kaya iisa ang basa dito: dapat
laging handa. Hindi lang uga at sungit ng mga bulkan ang matindi sa ngayon, mga pards. Nariyan
sumasabay ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin lalo na ang gulay. Ang akala natin ay sibuyas lang at bawang dapat bantayan ang presyo…sumabit pa ang maraming gulay. Ang makakasagot dito ay mga magsasaka. Alam nila kung bakit . Sabi ng mga praktikal: kung sabay-sabay ang tanim natural, sabay-sabay ang pagani kaya magmumura ang presyo. Pero kung kontrolado ang pagtatanim, makokontrol din ang presyo sa merkado.

Mga magsasaka rin ang makakasagot dito. Wala raw pinag-iba sa suplay ng isda. Kung kontrolado ang pangingisda sa karagatan, natural na magmamahal ang mga huling isda. Kung bakit naisyu ang salitang “kontrolado”, doon sa mga lugal na maraming nahuhuling isda…may guwardiya na mga
barko ng Tsina. Bawa’t galaw nga ng mga barko ng Pilipinas, may nakabuntot na mga barko ng Tsina. Papano ka makakagalaw? Akala ko ba, matatag ang relasyon ng Tsina at Pilipinas ika ni Pangulong Marcos? Baka sa salita lang, wala sa gawa, upak ng marami.

Buti na lamang at hindi sumabay ang taas-presyo ng produktong petrolyo. May katiting ngang roll-back, eh. Angal nga ng mga gumagamit ng produktong ito: walang pinag-iba ito sa nagaalburutong bulkan, magaalburuto at kung minsan tahimik naman. Suma total, gaya ng sabi nating lagi: mas
mainam ang lagi tayong handa. Ano mang klase ng kalamidad, may laban tayo. Hanggang sa muli. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon