Matapos mairehistro ang dalawang kaso ng kumpirmadong Mpox o monkey pox ay muling binuhay ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang health team nito at isinaalang-alang ang muling paggamit ng isolation facility na ginamit sa panahon ng pandemya sa COVID-19 kung may pangangailangang ihiwalay ang mga pasyente na hindi kayang
manatili sa kanilang mga sariling bahay. Kinumpirma ng mga lokal na awtoridad ang kauna-unahang laboratory-tested na kaso ng Mpox noong Enero 17 at ang ikalawang kaso ay inihayag noong Enero 25.
Kasalukuyang nagsasagawa ang health team ng information and education communication (IEC) campaign, contact tracing at iba pang mga estratehiya para sa pamamahala ng kaso at hadlangan ang pagkalat o pagkahawa. Pinapayuhan ng mga opisyal ng kalusugan sa lungsod ang publiko na iwasan ang skin-to-skin contact gaya ng pagyakap, paghalik, at sekswal na pakikipagtalik, na ilan sa mga paraan ng pagkalat ng Mpox. Kasama sa mga karaniwang sintomas ng Mpox ay ang mga pantal sa balat o mga sugat sa kalamnan na maaaring tumagal ng dalawa hanggang apat na linggo, lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, sakit sa likod, kakulangan ng enerhiya, at namamagang mga kulani (lymph nodes).
Mahigpit na nakikipagtulungan ang City Health Services Office (CHSO) sa Cordillera Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) para sa iba pang kahandaan at mga hakbang sa pagkontrol. Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga establisimiyento na tirahan o tuluyan na magpatupad ng mga mas mahigpit na pamamaraan sa kalinisan dahil ang Mpox virus ay maaaring maikalat sa pamamagitan ng mga bagay na nahawaan ng impeksiyon gaya ng mga higaan. Ang mga establisimiyento ng kainan, kabilang ang mga food delivery services ay pinaalalahanan
din na mahigpit na sumunod sa wastong mga kasanayan ng kalinisan.
Hinimok din ang mga turista at mga residente na magsuot ng mga mask, mga damit na mahaba ang mga manggas at mahahabang pantalon kung bibisita sa mga masisikip na lugar at kaganapan. Samantala, napapanahon ang muling pagbuhay ni Councilor Betty Lourdes Tabanda sa pitong-taon-gulang nang panukalang Sanitation Code na inaprubahan kamakailan para sa ikalawang pagbasa upang lutasin ang mga hamon sa pampublikong kalusugan. Ang ilang mga probisyon sa orihinal na panukala, partikular ang mga tumutugon sa mga regulasyon para sa massage spas, fitness centers o gyms, accommodation establishments, public restrooms, at iba pang mga espasyo na lagging pinupuntahan ng publiko, ay maa-update upang maging mas mabilis ang pagtugon sa mga umuusbong at muling-umuusbong na mga sakit tulad ng Mpox.
Ang pagkawasak na dulot ng pandemya sa COVID-19 at ang kamakailang paglitaw ng Mpox ay ginising ang dagliang pangangailangan ng mabilis na pagsasabatas ng panukalang sanitation code, na kung mangyayari ito sa lalong madaling panahon ay magsisilbing mabisang armas na hahadlang laban sa mga lilitaw at muling lilitaw na mga sakit sa lungsod. Kahit na sa harap ng mabilis na urbanisasyon at palaging pagdagsa ng maraming turista na maaaring magpalala sa pagkalat ng mga sakit ay mapapawi ang pangamba ng mga lokal na residente na kahit paano’y hindi tayo manganganib. Natuto na sana tayo sa nakaraang pandemya.
February 1, 2025
February 15, 2025
February 9, 2025
February 1, 2025
January 26, 2025
January 12, 2025