SANTONG KABAYO… BANAL NA ASO!!??

Habang nasusulat ang seryeng ito ng Daplis…papasok na tayo sa “Banal” na Linggo o ang “Semana Santa”. Tiyak na marami sa atin ang magngingilin pero meron ding hindi. Sa ganitong panahon
pumapasok ang iba’t-ibang klase ng pagngingilin, tradisyon at mga kakatwang ginagawa ng tao sa buong mundo. Ito ay mga anino ng kasabihang: Santong Kabayo…Banal Na Aso. Halukayin natin ito: Sa tuwing Mahal na Araw….sa mga Katoliko, isinasabay nila ang “pabasa”. Dito kanilang inaawit ang mga eksena sa buhay ni Kristo.

Ito’y pagtalima sa panata ng pagbabago. Pero kung ating timbangin ang mga nagaganap ngayon sa mundo, parang mas marami ang naliligaw ng landas. Sa kasalukuyan, may mga hidwaan sa ilang bansa sa gitna ng mga trahedyang tumatama at nananalasa sa iba’t ibangpanig ng mundo. Kung
mayron mang mga tumatalima sa Sampung Utos ng Panginoon…marami ring sumasalungat at gumagawa ng sarili nilang panuntunan. Sa palagay ng Daplis…punongpuno ang daigdig ng kasalanan. Kung papano tayo makaalpas sa kalbaryong ito….Diyos lamang ang nakakaalam.

Sabi nila…buti pa raw ang aso, kayang magpakabanal na magligtas ng kanyang amo. Ang tao kumakatay ng aso. Buti pa raw ang mga tinaguriang santong kabayo, may malasakit sa tao. Kesa sa
mga taong asal-santo nga ngunit masahol pa sa sipa ng kabyo ang pag-uugali. Ang mga kasabihang ito ay katabi natin sa bawat sandali. At sa bawa’t alinlangan sa ating pananampalataya, nalilihis tayo sa kagustuhan ng Panginoon. Natatalo ang katatagan ng tao. Isang konkretong ehemplo ay
ang pagkaaresto kamakailan ng isang paring Katoliko sa bisa ng Arrest Warrant sa Barangay Estefania, Bacolod City. Anong kaso? RAPE! Siya ngayon ay nakakulong at walang inirekomendang piyansa.

Ang suspect ay 62 year old na at hindi na pinangalanan ang babaeng kanyang biktima. Dito tumatama ang linyang  buti pa ang aso, mas banal kaysa sa hayup na tao. Buti pa ang kabayo, may
santo kaysa sa taong nagpapaka-santo ngunit isa palang demonyo. Sa tuwing Semana Santa…muling masasaksihan sa iba’t-ibang lugal sa bansa ang mga “panata”. May lugal na may nagpapapako sa krus at taunang ginagawa na sinasaksihan ng maraming turista. Isa itong panata sa kanilang buhay upang makahingi ng kapatawaran sa kanilang mga pagkakasala.

Tanong: gaano ba kasi kabigat ang kanilang kasalanan? Mas mabigat kaya ito sa mga salang
pagpatay at pagpupuslit ng droga na talamak ngayon sa lipunan? Sa kabilang dako naman, may mga nagpapanata na naglalakad sa kalsada at hinahagupit ang kanilang katawan. Isang uri daw ito ng panata upang humingi ng kapatawaran ng kanilang kasalanan. Tanong: sa tuwing Semana Santa lang ba sila nagpapakita ng pagsisisi? Di ba’t may mga ulat na may mga taong seryosong nakikinig at dumadalo sa pagsamba….pero pagkatapos nito, mga “marites” at “tolits” na naman sila.

Yan ang mga astang “banal” pero ang pagkatao ay masahol pa sa “mabahong kanal”. Sana sa Semana Santa….kahit saglit lang ay ating lingunin ang trahedyang binalikat ng Isang Taong nagpasan ng Krus upang matubos ang sangkatauhan mula sa pagkakasala . Siya na kinutya at pinagtawanan hanggang sa ipinagbunyi pa ang kanyang kamatayan sa krus. Siya na nagbuwis ng buhay, alang-alang sa ating kaligtasan. Siya na kahit nakakalimutan mo na ay patuloy pa rin na
nagmamahal sa iyo. Sana…kahit saglit man lamang, atin Siyang kausapin at pasalamatan sa
Kanyang di matatawarang pagmamalasakit at pagmamahal sa sangkatauhan. Siya ang landas tungo sa ating kaligtasan. Kasabay ninyo ang espasyong ito sa inyong pagngingilin ngayong Semana Santa. Adios mi amor, ciao, mabalos.

AGWAT- HILOM 2

ON THE ROPES

Amianan Balita Ngayon