Kamakailan lang, sunod-sunod ang isyu ng sibakan. Mismong ang pangulong Duterte pa ang nagpapatunay. Ang dahilan – nagpabaya sa tungkulin at korapsiyon ang pinaka-dahilan. Tsk tsk, sorry na lang pero dapat lang na masibak kung hindi karapat-dapat sa kanyang puwesto. Tsupi bago maging salot at pabigat sa lipunan. Sayang lang ang buwis ng bayan para sa kapritso nila. Pero teka, meron ding mga matataas na opisyal ng gobyerno ang umaalis na bago masibak, di ba? He he, wais daw ang mga yan.
**********
Nang nagkagulo-gulo dahil sa isyu ng nawawalang NFA rice, nawala sa puwesto bilang Chairman ng NFA Council ang isang cabinet member. Tapos, ipinailalim na ang buong NFA sa DA na pinamumunuan ni Sec. Pinol. Ngayon, mabilis na ang usad ng programa para lutasin ang kakulangan ng bigas-NFA. Pati nga ang biglang pagtaas ng presyo ng bigas, bubusisihin na rin ng DA chair kasama ang ilan pang ahensiya. Magaling. Yan ang estilo ng bilis-aksiyon o trabaho. Hindi yung gusto pang makipagbangayan para lang makaligtas sa asunto.
**********
Kamakailan, nagkaroon din ng lamat ang pagiging “close” nina Digong at dating DOJ Sec. Aguirre. Nagsimula ito sa isyu ng pag-absuelto raw sa ilang drug lords na iginawad ng ilang mga tauhan ng DOJ. Tsk tsk, siyempre, por delikadesa, nagbitiw si peluka, este Aguirre at ipinalit sa kanya si dating Senior Deputy Executive Sec. Menardo Guevarra. Sumunod ding nagbitiw sa tungkulin si Labor Undersecretary Dominador Say. Nag-submit siya ng kanyang resignation kay Pres. Duterte noong Abril 9. May kinalaman daw ito sa isyu ng “Endo”. Ang mga ito (Aguirre at Say) ay umeskapo bago ang maaaring sibakan, di ba? Sabagay, mas mahapdi raw ang banat ng “sibak” kumpara sa “resign”.
**********
Kamakailan din, isang heneral at ilan pang matataas na opisyal ng PNP ang sinibak din sa puwesto habang iniimbestigahan ang kanilang pagkakadawit sa kasong “nawawalang allowance ng mga taga-SAF”. Abot sa halos P60milyon ang nawawalang allowance na ang ibig sabihin, hindi natanggap ng mga miyembro ng SAF. Bagay na gustong busisihin ng Senado sa pamamagitan ni Sen. Lacson na siyang pinuno ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs. Sumunod ding nagkasibakan sa Manila Police kung saan halos lahat ng mga tauhan ng isang prisinto ay winarat kasama ang hepe nila. Ang dahilan: nangotong sa isang dayuhan. Na-tigwak – ganern ang mga ire, pards. Maaaring confined muna sila sa mga opisina habang iniimbestigahan ang kanilang mga kaso.
*********
Kaiba ang determinasyon ni Pangulong Digong upang linisin ang pamahalaan. Nasabi na niya noon na kapag may naamoy siyang korapsiyon sa isang tanggapan, tiyak may mananagot agad. Kaya ang payo niya sa mga opisyal ng pamahalaan na bago ka ipahiya, magbitiw ka na lang. Hindi raw siya nangingiming sibakin ang mga corrupt na opisyal kahit pa kaibigan niya ang mga ito at nakatulong noong eleksiyon. Kamakailan nga sa Malakanyang, may pahapyaw siya ulit na may isang mataas na opisyal ng gobyerno ang isusunod daw niyang sisibakin. Bagama’t hindi pa niya pinapangalanan. Sabagay, isa yan sa kanyang mga pangako bago siya naging pangulo, di ba pards? Basta’t may sumingaw na baho, tigpas agad. Pakiusap lang ng ilang nalilito: sana raw kapag may sinibak, huwag ng ilipat pa ng puwesto. He he, nasilip nila si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na matapos tanggalin ay inilipat naman sa ibang puwesto. Tapik lang daw ito. Sige, kapos na sa espasyo, kaya, adios mi amor, ciao, mabalos!
April 21, 2018
April 21, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025