Sikyu nagtago ng 23 taon, Huli

Metro BLISTT

A TRINIDAD, Benguet – Makalipas ang 23 taon na pagtatago ng isang dating security guard kaugnay sa pagkakapatay sa isang bus dispatcher, na naitala bilang national level Top Most Wanted Person, ang nasakote ng mga tauhan ng Benguet Provincial Police Office, ang pinagtataguan nito sa bayang ito.

Bukod dito, dalawa pang wanted person na kabilang sa Provincial at Municipal level ang magkakasunod ding nadakip mula sa pinaigting na manhunt operations laban sa mga nagtatago sa batas.

Nabatid kay Police Colonel Elmer Ragay,provincial director, ang nadakip na TMWP National Level ay nakilalang si Hilario Sannadan Balwog, 51, farmer, tubong Barangay Gaang, Tanudan, Kalinga, na may monetary reward na P300,000.00 mula sa DILG Memorandum Circular 2004-11.

Ayon kay Ragay, si Balwog ay nadakip noong Enero 19 sa may Longlong, Puguis, La Trinidad Benguet sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Murder na inisyu ni dating Judge Ruben Ayson.

Napag-alaman na si Balwog, na noon ay security guard ay suspek sa pagpatay kay Benny Yasay, dispatcher ng Philippine Rabbit Bus sa Baguio City, noong 1997.

“Malaki ang pasalamat namin sa concerned citizen na nagbigay impormasyon sa amin sa suspek, dahil napakatagal na ang kasong ito,” pahayag ni Ragay.

Dalawang wanted persons naman na kabilang sa Provincial Level ang nadakip na kinilalang sina Fritx Bitol Nazul, 23, ng Lamtang, Puguis, La Trinidad, Benguet, na may kasong Rape at Arjay Olita Daguio, 28, laborer, tubong Conner, Apayao at nakatira sa Binloc, Bonuan, Dagupan City, na may kasong paglabag sa Section 10 ng RA 7610.

Sa Municipal Level, nadakip naman sina Arnold Jay Esteban Arocena,33,ng Mataas na Kahoy, General Natividad, Nueva Ecija, sa kasong two counts of Acts of Lasciviousness at Ryan Incio Mangalindan, 39,tubong Nancamaliran West, Urdaneta City, Pangasinan at nakatira sa Lamagan, Abatan, Buguias, Benguet, na may kasong paglabag sa R.A. 9262.

Labis na pinuri ni Ragay ang mga operating unit sa pagkakadakip sa mga wanted person na matagal ng nagtatago sa batas at patuloy na isasagawa ang manhunt operation para mabigyan ng hustisya ang kanilang mga biniktima.

 

Zaldy Comanda/ABN