Inaprubahan ng Senado noong Lunes (Setyembre 19) ang subscriber identity module (SIM) Registration bill (SBN 1310) sa ikalawang pagbasa. Hihilingin sa SIM Registration Act ang rehistrasyon ng SIM para sa electornic devices sa pagtatangkang walisin ang mga krimen gaya ng scamming na kasalukuyang lumalaganap sa mga text messages.
Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas sa gitna ng pagdami at paglaganap ng spam text messages at mga nag-aalok ng mga kaduda-dudang transaksiyon. Inaprubahan ang House Bill No. 14 ng 250 mambabatas, anim ang tumutol at isa ang abstention na inuutusan ang mga public telecommunications entities (PTE) o mga direct sellers na hingin sa mga bibili o gagamit ng isang SIM card na magpakita ng isang balidong ID na may larawan upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng bibili.
Sa panukalang batas ay kailangang hilingin ng mga PTE o sinumang direct seller na punan at lagdaan ng mga bibili ang isang control-numbered registration form, kung saan nakalagay dito ang mobile phone number at iba pang personal na impormasyon ng isang subscriber gaya ng buong pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian, at tirahan. Anumang impormasyon sa dokumento ng rehistrasyon ay aariing lubos na kompidensiyal o lihim maliban kung pinahintulutan ng subscriber sa pamamagitan ng pagsulat
na makuha ito.
Ang mga SIM card na na-isyu o nabili bago ang pagiging epektibo ng SIM Card Registration Act ay kailangan ding irehistro. Pananatilihin ng mga PTE ang isang registry ng lahat ng subscriber at kanilang nakatalagang SIM card at isusumite sa National Telecommunications Commission ang isang listahan ng kanilang authorized sellers/agents. Mula pa noong 2004 ay ipinanukala na ng mga mapbabatas ang SIM card registration dito sa Pilipinas at sa 18th Congress lamang marahil nakarating ito sa Pangulo upang lagdaan subalit vineto ni Pangulong Rodrigo Duterte bago magtapos ang kaniyang termino dahil sa pagkakalakip ng social media providers sa rehistrasyon na hindi naman bahagi ng orihinal na bersiyon ng
panukala at kinakailangan pa raw ang masusing pag-aaral.
Ayon sa isang ulat, mayroon na raw higit-kumulang 157 mga bansa sa buong mundo ang nagpatupad ng batas sa SIM card registration hanggang 2021. Iilan na lamang kasama ang Pilipinas ang natitirang magpapatupad pa lamang ng katulad na batas at isa sa dalawang bansa sa Asya kasama ang Israel na wala pang batas sa SIM card registration na ipinapatupad. Ang SIM Card Registration Act na ipinares sa National ID System (PhilSys) ay nakikita para sa isang mas epektibong pamamaraan upang matiyak ang
mga pagkakakilanlan, labanan ang cybercrime, at masiguro ang pambansang seguridad, at iba pang layunin.
Habang may mabuting layon ang panukalang batas, may mga organisasyon at indibiduwal ang nagpapahayag ng kanilang matinding pagkabahala ukol sa kanilang pagkapribado at kalayaang-sibil na maisaalang-alang, lalo na raw para sa isang gobyerno gaya sa Pilipinas na may 120 milyon mobile subscribers. Ayon sa Privacy International, ang SIM registration ay hindi naging epektibo sa pagsugpo ng krimen bagkus ay nagpalala pa. Sinabi pa na sa mga bansang nagpatupad nito ay nakita ang pagtaas ng mga krimen na may kaugnayan sa identity theft, at nasaksihan ang biglaang paglitawan ng mga black market na nagserserbisyo sa mga nagnanais na manatiling itago ang pagkakakilanlan.
Madali rin daw ma-clone ang mga SIM, o maaaring gamitin ng mga kriminal ang mga banyagang SIM sa roaming mode, o internet at satellite telephones upang makaiwas sa hinihinging SIM registration.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang lilimitahan ang anonymity o di-pagkakakilanlan na mahalaga sa online kundi mababawasan din ang pagiging pribado at seguridad na inaasahan ng mga subscriber mula sa mga pribadong kompanya. Walang ebidensiya na magpapatunay na ang pamamaraang ito ay makakatulong na labanan ang mga krimen, maling impormasyon o mga scam na nag-udyok sa hakbang.
Ang anonymity ay isang mahalagang bahagi ng malayang pagsasalita sa online at ang kagaya nitong hakbang ay magkakaroon ng panghihinang epekto sa mga pampublikong diskurso. Marahil ang bawat inobasyon sa malao’t madali ay kailangang dumaan sa pagsubok ng regulasyon. Ang Pilipinas na gumawa ng isang malaking paglukso mula sa mga mababang antas ng pagsaklaw sa telepono sa nalalapit na pansansinukob na mobile phone access ay nananatiling isa sa mga pinakahuling bansa (na may malaking subscribers) sa buong mundo kung saan ang SIM card registration ay nananatiling hindi naipapatupad. Gayunman, hindi lahat ng uri ng regulasyon ay nililinang ang inobasyon na umunlad pa.
Tangka man na ugitan o ilagay sa regulasyon ang mga mobile phone, ay magiging kapaki-pakinabang na umusad, maaari lamang nating lubos na mauunawaan ang mga bungang-epekto sa hinaharap. Samantala, kailangan nating harapin kung ano ang mayroon tayo habang inaantabayanan ang epekto nito sa bawat isa at manatiling umaasa na ang landas na kasalukuyan nating tinatahak ay para sa pinakamabuti.
September 24, 2022
September 24, 2022
October 5, 2024
September 29, 2024
September 20, 2024
September 13, 2024