“SINASAID NG BENGUET CORPORATION ANG MINERAL SA ITOGON, BENGUET”

Mag-iisang buwan na ang barikada ng mga smallscale miners ng DontogManganese Pocket Miners Association (DOMAPMA) kontra sa dambuhalang Benguet Corporation, Inc. (BCI) sa Sitio Dalicno, Barangay Ampucao, Itogon,
Benguet. Iginigiit ng mga small-scale miners ang kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan laban sa diumano’y pangangamkam ng BCI sa mga natitira pang mineralized areas na hindi naman kasama sa mining patent nito. Gustong sairin ng BCI ang maari pa nilang minahin na ginto sa kabila nang 103 taong operasyon sa Itogon.

Ayon sa mga small-scale miners, kinasabwat ng BCI ang Mines and Geosciences Bureau at Benguet Provincial Mining Regulatory Board na kunwa’y regulasyon at pangangalaga sa kalikasan na dulot ng pocket miners ng DOMAPMA upang tuluyan silang mapalayas. Hindi naman mahalaga sa BCI na mula 500 hanggang 1,000 small-scale miners at pamilya nila ang magugutom at unti-unting mamamatay dahil sa pagkawala ng kanilang ikinabubuhay.

Sinubukan umanong ilusot ng BCI ang Application Production Sharing Agreement 105 (APSA 105) nito na sumasaklaw sa minimina ng DOMAPMA at ilang bahagi ng barangay Ampucao at Virac sa pakikisabwatan sa
ahensya ng pamahalaang dapat mangalaga sa kapakanan ng pambansang minorya o katutubo. Nilayon nitong iratsada ang proseso patungo sa Special Mining Permit at pagpayag ng mga apektadong katutubo sa lugar. Ang tunggalian sa sitio Dalicno, Ampucao at karatig na mga pamayanan sa Itogon ay taliwas sa kakapasa lamang na batas
ni Pangulong BBM na Republic Act 11995 o Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS) Act bilang paggunita sa International Day for Biological Diversity.

Sinasaad ng RA 11995 ang masusing accounting sa lahat ng natural na kayamanan ng bansa, pati mga minerals, upang basehan ng pagbabalangkas ng mga polisiya upang suportahan ang sustenableng pagpapaunlad ng ekonomiya at bansa. Kung sinasaid ang mga natural na rekurso gaya ng minerals ng isang lugar, magluluwal pa ba ito ng
kaunlaran para sa mga susunod pang henerasyon? Sa katotohanan, nananatiling malaking katanungan pa rin ang hindi ni-rehabilitate na open pit mines ng BCI sa Itogon na nananatiling karimarimarim na bakas ng pagpapasasa sa kapaligiran sa ngalan ng kita at ganansya.

Amianan Balita Ngayon