SINO ANG TUNAY NA “SCAMMER” SA P1.2B CABAGAN-STA. MARIA BRIDGE SCAM?

Ang kahilingan ng mamamayan ng Isabela at buong sambayanang Pilipino ay panagutin ang tunay na salarin sa pagbagsak ng kagagawa pa lamang na mahigit P1.2B Cabagan-Sta Maria “Iconic bridge” sa Isabela. May pangako ang DPWH Region 2 na panagutin ang direktang may-sala at nagkulang na contractor sa pagbagsak ng tulay. Sumuko na ang driver ng 102-toneladang truck na dumaan sa tulay. Ngunit matutuldukan na ba ang imbestigasyong magaganap at siya ang papanagutin sa trahedya?

Kung lalabas sa imbestigasyon ng DPWH na nagkulang nga ang contractor sa disenyo at pagtitiyak sa integridad ng tulay, nararapat lamang na mapanagot din ang mga sangkot dito. Ngunit tiyak na ang puno’t-dulo ng trahedya sa
Isabela, gaya ng iba pang mga naging suliranin sa mga patrabaho ng gobyerno, ay tumutukoy sa pagbabalahura sa pondo. Dahil bago pa man ang mahigit P200M “retrofitting” sa tinurang “Iconic bridge”, kitang-kita na ang mga bitak sa tulay na noong 2014 pa inumpisahan at natapos lamang nitong huling kwarto ng 2024.

Maraming Isabelino na ang nauumay sa pagbayad ng buwis dahil sa 30-40 porsyentong “SOP” o “padulas at lagay” system sa mga patrabaho de gobyerno, bukod pa sa lantarang maniobra sa mga proyekto upang makinabang ang mga sariling negosyo ng mga “Pilato” sa national at local na pamahalaan. Pinipilit ng mga opisyal ng Isabela, katuwang ang DPWH, na ilihis ang isyu at pakalmahin ang galit ng mamamayan sa trahedya. Hindi daw gugulan pa ng panahon ang sisihan at turuan, kundi paghiling ng panibagong pondo upang magawa ulit ang “Iconic bridge”.
Ngunit karapat-dapat lamang na masusing suriin ng Kongreso ang pangyayari at panagutin ang lahat ng sangkot
mula sa pinakamababa hanggat sa pinakamataas na opisyal upang magbigay leksyon sa lahat, lalo na sa mga kurap.

Amianan Balita Ngayon