SLU STUDENT TOP 5 SA 2025 MEDTECH BOARD EXAM

BAGUIO CITY

Ikinararangal ngayon ng Saint Louis University ang kanilang estudyante na naging Top 5 sa March 2025 Medical Technologist Licensure
Examination,na si Hannah Thea De Guzman, tubong San Carlos City, Pangasinan. Si De Guzman ay anak ng dalawang guro sa pampublikong paaralan, na lumaki sa isang pamilyang mataas ang pagpapahalaga sa edukasyon. Ayon kay De Guzman, ang kanyang mga magulang ang nagsilbing inspirasyon sa kanya. “Pareho po silang guro, kaya mula pagkabata ay natutunan ko nang pahalagahan ang pag-aaral.” Hindi man piniling tahakin ang landas ng pagtuturo, pinili ni De Guzman ang kursong Bachelor of Science in Medical Laboratory Science bilang paghahanda sa kanyang layunin na maging isang doktor.

Sa kabila ng alok na scholarship mula sa isang kilalang unibersidad sa Manila, pinili niya ang SLU sa Baguio City dahil sa magandang reputasyon at mas malapit ito sa kanilang tahanan. Sa SLU, nakatagpo siya ng pangalawang pamilya na hindi lang sumuporta sa kanyang
akademikong paglalakbay kundi pati na rin sa emosyonal na aspeto ng kanyang buhay bilang estudyante. Ibinahagi ni De Guzman na hindi niya agad nalaman ang resulta ng board exam. Mga kaibigan niya ang nagsabi sa kanya na kabilang siya sa mga topnotcher. “Parang hindi pa rin totoo noong una. Pero alam kong hindi lang ito tagumpay ko, tagumpay din ito ng SLU, ng pamilya ko, at plano ito ng Diyos.”

Sa halip na sumama sa mga face-to-face review sessions, pinili ni De Guzman na mag-review online sa bahay. Aminado siyang nag-alala
siya sa simula, ngunit napatunayan niyang hindi hadlang ang online setup sa tagumpay. Nag-review si De Guzman sa ACTS at Legend
Review Center, at kalaunan ay naging bahagi ng Legend Review Center bilang junior mentor. Para sa kanya, ito ay isang pagbabalik ng
kabutihang tinanggap niya noon. “Gusto ko talagang makatulong sa iba. Kahit bago pa lumabas ang resulta, gusto ko nang maging mentor.” Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang kanyang pinagmulan. “Pinalaki ako ng San Carlos City, tinuruan ako ng SLU, at ginabayan ako ng Diyos,” sabi niya.

Bagamat balak niyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa medisina, plano muna ni De Guzman na magpahinga at maglaan ng oras sa pagtuturo
bilang mentor. “Magpahinga. Huwag pilitin ang sarili kapag pagod na. Kapag mag-aaral ka, siguraduhing malinaw ang isip at panatag ang puso,” payo ni De Guzman para sa susunod na batch na sasalang sa August 2025 MTLE.

Hadji Mhor Sara/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon