SOLAR POWER EPEKTIBO NGAYONG TAG-INIT

SISON, Pangasinan

Isang bahay sa Barangay Pinmilapil, Sison, Pangasinan ang hindi na nagbabayad ng kuryente matapos lumipat sa solar power, sa kabila ng paggamit ng maraming appliances tulad ng pitong air conditioning unit, isang refrigerator, at tatlong telebisyon. Ayon kay Adelina Scribwise, residente ng naturang bahay, nagsimula silang gumamit ng solar power noong 2023 dahil sa matinding init at patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente. Dahil dito, nagawa nilang gamitin ang kanilang mga kagamitan nang walang pangamba sa mataas na bayarin. “Dati, palagi naming pinapatay ang mga ilaw at electric fan para makatipid sa kuryente. Pero ngayon, 24 oras nang bukas ang aircon naming.”

Namangha ang kanilang mga kapitbahay sa benepisyong hatid ng solar power, lalo na’t hindi na kailangan pang magbayad ng buwanang electric bill. Marami ang nagtanong kung paano ito posible at kung sulit ba ang paglalagay ng solar panels. Bagamat aminado si Scribwise na malaki ang kanilang nagastos sa pagpapakabit ng solar panels, sinabi niyang sulit ito dahil sa pangmatagalang tipid at benepisyong dulot nito sa kalikasan. Dahil sa kanilang karanasan, marami ang nagpakita ng interes na lumipat na rin sa renewable energy upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Sa gitna ng lumalawak na paggamit ng solar power sa bansa, mas maraming Pilipino ang nahihikayat na gumamit ng mas matipid at mas malinis na enerhiya.

Ayon sa mga eksperto, bagama’t may kamahalan ang pagsisimula sa solar power, mabilis itong makabawi sa gastos dahil sa matagalang pagtitipid sa kuryente. Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaan at mga organisasyon ang paggamit ng renewable energy bilang solusyon sa matataas na bayarin sa kuryente at sa suliraning pangkapaligiran. Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya sa enerhiya, marami pang kabahayan sa bansa ang maaaring sumunod sa yapak ng pamilya Scribwise at tuluyang lumipat sa mas malinis at mas matipid na paraan ng paggamit ng kuryente.

Amianan Balita Ngayon