May mga pinasarang sugalan sa tabing ng mga peryahang laganap sa mga bayan-bayan sa buong Cagayan Valley ngunit tila kabute namang nagsusulputan ang iba pa dahil palipat-lipat lang ang mga tinaguriang “Lords” sa mundo ng peryahan-sugalan (pergalan). Sa mga bayan ng Bambang, Solano at Villaverde sa Nueva Vizcaya, nagsisiga-sigahan si “Herson” dahil sa proteksyong nakukuha mula sa mga lokal na gobyerno at pulis kapalit diumano ng malaking lingguhan, kinsenas o buwanang padulas.
Kanya’t binaybay na rin ni “Herson” hanggang Allacapan, Cagayan; Tabuk City sa Kalinga hanggang sa probinsya ng Apayao, upang magtayo ng mga sugalang drop ball, salisi, at iba pang color games, na kinagigiliwan maski ng mga bata. Sa Cauayan City, Isabela, hawak ni Rey “Zuma” Tizon ang pasugalan sa likod ng Talavera mall na blockbuster ang mga parokyano dahil ito’y mataong lugar kaya siguradong mae engganyo bata man o matanda upang magbakasakaling lalago ang itinaya, ngunit tiyak na matatalo sa kahuli-hulian.
Hawak din ni “Rey Zuma” ang sugalang itinayo sa mga bayan ng San Mateo, San Guillermo, Echague at Cordon, sa lalawigan ng Isabela pa rin. Nakarating din ang kamangdag ni “Rey Zuma” hanggang sa bayan ng Lallo, Cagayan.
Samantalang si Maribel Tanchangco, na dating barangay chairwoman ng barangay San Antonio, Alicia, Isabela, nagpapasugal din sa Bagabag at Bayombong sa Nueva Vizcaya at syempre mismo sa kanyang bayan sa Alicia. Diumano’y mayroon rin operation si Tanchangco sa Tarlac.
Taas noong binabandera ni Tanchangco na malapit siya kay Nueva Vizcaya Gov. Jose Gambito at Congressman Ian Dy ng 3rd district ng Isabela. Bukod pa’y napapaikot nya sa kanyang mga kamay si Brig. Gen. Christopher Birung ng Cagayan Valley police at mga Provincial Directors ng Nueva Vizcaya at Isabela dahil sa impluwensiya at salaping idinuduldol upang pumikit at magbingi-bingihan ang mga otoridad. Kahit ilang pagtatakip pa ng otoridad, lugmok sa sugalan ang lambak ng Cagayan dahil sa sabwatan ng lokal na pamahalaan, kapulisan at iba pang sangay ng pamahalaan. Dahil bukod sa mga pergalang naglipana’y, namamayagpag din ang pangde-demonyo ng legal jueteng na “Small Town Lottery” (STL) na sinasabayan pa ng “bookies operations” ng parehong operator din ng STL sa Nueva Vizcaya. Bagong Pilipinas nga ba mahal na Pangulo?
August 24, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024