Summer sa Baguio, inaasahang lalo pang dadagsain ng mga turista

LUNGSOD NG BAGUIO – Bagaman mas mababa sa inaasahan ang dumagsang mga turista sa lungsod sa magkasunod na long weekends noong Marso at unang linggo ng Abril ay inaasahan ng lungsod na madaragdagan pa ang mga bibisita sa Baguio City na tinaguriang Summer Capital of the Philippines.
Dahil dito ay patuloy ang mga isinasagawang iba’t ibang aktibidad at paghahanda upang ma-enjoy ng mga bisita ang kanilang summer vacation sa lungsod.
Marami sa mga bisita ay dumadagsa sa lungsod tuwing summer dahil sa malamig na klima rito at upang takasan pansamantala ang mainit na panahon sa kapatagan.
Ayon kay Councilor Elmer Datuin, chairman ng Committee on Tourism Special Events, Parks and Playgrounds, lalo pang pinaghandaan ng pamahalaang lungsod ang mga turistang bibisita sa lungsod ngayong summer season.
“Gusto rin namin na maipakita sa mga turista yung ganda ng ating mga tourist destinations dito kaya patuloy kami sa pagpapaganda ng ating mga tourist spots,” aniya.
Maging ang pwersa ng kapulisan ay nakahanda sa pagdagsa ng mga turista, lalo na sa mga dumadagsa sa Baguio kapag weekend kung kailan kitang-kita at ramdam ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.
Ayon sa Baguio City Police Office (BCPO), buo ang pwersa ng kapulisan na nagpapatrol ngayong summer season. Nagroronda ang mga pulis, partikular sa central business district at tourist spots para masiguro ang kaligtasan ng mga bisita lalo na at inaasahan din sa ganitong panahon ang pagdami ng mandurukot at mga taong nananamantala sa mga bisita.
Nakiisa naman ang Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB) sa paninigurong sapat at maayos ang mga hotels para sa accommodation ng mga turista.
Ayon kay Baguio Country Club General Manager Anthony De Leon, “We make sure na ready na lahat para sa mga tourist and of course gusto din natin na mabigyan ng better comfort yung ating mga bisita sa pag-stay nila dito sa Baguio because that is our outmost priority.”
Umabot sa mahigit kumulang 1.3 million ang bilang ng mga turistang bumisita sa Baguio noong summer season ng nakaraang taon. Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan na dadami pa ang bilang ng mga turistang bibisita sa lungsod ngayong taon. ALLAN LEMUEL C. SUNGA, contributor

Latest News

Amianan Balita Ngayon