LUNGSOD NG LAOAG – Nabigla ang mga mag-aaral ng Badio Elementary School sa bayan ng Pinili, Ilocos Norte matapos na dalawang beses na umalingawngaw ang school bell noong umaga ng Hulyo 19.
Dakong 9:45 ng umaga matapos marinig ang pagtunog ng bell ay agad na umuklo, nagtakip ng ulo gamit ang libro at lumabas sa kanilang silid-aralan ang Grade 3 pupils na pinangungunahan ni Hannah Luzcille Pagdilao.
Nang makarating sa open grounds ay sinimulan ng naatasang team leader, ang 8 anyos na si Pagdilao, na bilangin ang mga kaklase upang masiguro na walang nakulong sa loob ng kanilang silid.
Sa isang sulok ay inoobserbahan ni Senior Police Officer 1 Noel Abad, kasama nina Police Officers Claire Ramiscal, Princess Aguinaldo, Sammy Sangbaan, Neil John Kieran Leano, at Richard Rafanan ng Police Community Relations Office ng Ilocos Norte Provincial Mobile Force Company ang mga naging reaksyon at pagiging alerto ng mga bata.
Ang naturang surprise earthquake drill ay isinagawa upang malaman kung gaano kahanda ang mga bata kapag may lindol.
Matapos ang drill ay pinuri ni Abad ang mga mag-aaral sa kanilang seryosong kooperasyon.
“Job well done, children!” ani Abad na pumapalakpak. Pinuri din nito ang mga guro at principal ng paaralan sa maayos na pagtuturo sa mga bata.
“The hold, duck and cover exercise is not new anymore to our pupils,” ayon kay school principal Aileen Rambaud. Aniya, regular na nakikipagkaisa ang paaralan sa pagsasagawa ng nationwide earthquake drills.
Sa kabila nito ay muling sinabi ng mga pulis sa mga batang mag-aarala ang “dos and don’ts” kapag may lindol.
Nagbigay rin ang mga pulis ng tips na maaaring ibahagi ng mga bata sa kanilang pamilya at mga kaibigan.
Sa Agosto 16 ay magiging host ang Ilocos Norte para sa nationwide earthquake drill. L.ADRIANO, PNA / ABN