Suspek sa away sa bar na kumitil ng isang lalaki, sumuko sa NBI

Sumuko sa mga miyembro ng the National Bureau of Investigation-Cordillera ang suspek sa naganap na gulo sa harap ng isang bar sa lungsod na humantong sa pagkamatay ng isang lalaki at pagkakasaksak ng dalawa pa.
Si Tomasito Tinambacan Alfaro, 22, mula sa barangay Sta. Cruz, Loreto sa Surigao del Norte, ngunit nakatira sa Baguio City bilang machine operator ng isang pribadong establisimyento, ay kumanlong sa NBI-Cordillera upang linisin ang kanyang pangalan sa akusasyon sa kanya kaugnay sa away noong Marso 25, 2018 sa harap ng Wheels Grill Bar kung saan namatay ang 25-anyos na construction worker na si Raymart Sanchez Torres, at nasaksak ang estudyanteng si Restlee Agsaoay Maglaya, 23, at kapatid ng biktima na si Fernando, 28, isa ring construction worker.
Sinabi ng Baguio police, na kumilala kay Alfaro bilang suspek, ang naturang away ay naganap ilang minuto bago maghating-gabi noong Marso 25, matapos na ang magkapatid na Torres at dalawa pang kasama na sina Rolly Solis Lalata at Jeff Mislang Santos ay nagkaroon ng bangayan sa grupo ni Alfaro na nagsimula sa mainit na sagutan sa loob ng bar.
Sinubukan ni Maglaya na awatin ang dalawang grupo ngunit nagtuloy ang away sa labas ng bar.
Ang nakababatang Torres ay nagtamo ng multiple stabbed wounds sa pang-itaas na bahagi ng katawan nito at idineklara ng doktor na patay na isang oras matapos ang away. Si Maglaya ay nasaksak sa kaliwang hita at ang nakatatandang Torres ay nagtamo ng saksak sa kanang bahagi ng katawan at tiyan.
Si Alfaro at isa pang kasama, ayon sa pulis, ay tumakas matapos ang kaguluhan.
Sa kuha ng CCTV ay nakita si Alfaro na 4 feet 11 inches ang taas ay inatake ng limang katao na mas malalaki kaysa sa kanya na kinabibilangan ng magkapatid na Torres.
Sinabi ni Alfaro sa NBI-Cordillera na dati na nitong gustong sumuko ngunit ayaw nitong lumapit sa pulis dahil nawalan na ito ng tiwala bunsod ng pagkakabugbog sa kaniya nang nauna itong nahuli sa pagpapalaboy-laboy.
Hanggang sa isang kaanak ni Alfaro ang nagsabi sa NBI na gusto na nitong sumuko upang linisin ang kanyang pangalan sa harap ng Regional Trial Court branch III na siyang nag-utos ng pagkaaresto nito.
Kasama ang kanyang ina ay humarap si Alfaro sa tanggapan ng NBI noong Mayo 5. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon