SUSPEK SA MULTI-BILLION CASINO SCAM, NAHULI SA BAGUIO CITY

BAGUIO CITY

Isang 41-anyos na lalaki na wanted sa kasong syndicated estafa at sangkot sa multi-billion peso casino scam, ang nadakip sa manhunt operation ng mga tauhan ng Baguio City Police Office sa Barangay Kabayanihan, Baguio City, noong Nobyembre 28. Ayon kay Col.Ruel Tagel, city director, ang suspek na tinatawag na ‘Master’ ay pinaniniwalaang miyembro ng Team Z Horizon casino junket scam. Ang pag-aresto ay ginawa alinsunod sa isang Warrant of Arrest na inisyu ng Baguio City Regional Trial Court, na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang paglaya.

Nakalista ang akusado bilang Regional Top 5 Most Wanted Person ng Criminal Investigation and Detection Group-Cordillera (CIDG-Cor) at Number 3 City Top Most Wanted Person. Ang pag-aresto kay “Master” ay dumating sa ilang sandali matapos arestuhin ng mga awtoridad ng Indonesia ang sinasabing pinuno ng scam sa Bali, Indonesia noong Nobyembre 9, 2024, pagkatapos nitong tangkaing sumakay ng eroplano patungong Hong Kong. Pinuri ni Tagel, ang koponan sa kanilang walang humpay na pagsisikap sa pagtiyak na mananagot ang mga responsable. Muli niyang pinagtibay ang pangako ng BCPO sa paglaban sa krimen at hinikayat ang sinumang may karagdagang impormasyon tungkol sa scam na mag-ulat kaagad.

ZC/ABN

Amianan Balita Ngayon